Home NATIONWIDE DICT, CICC tumugon sa serye ng cyberattacks sa mga website ng gobyerno...

DICT, CICC tumugon sa serye ng cyberattacks sa mga website ng gobyerno sa gitna ng Sept 21 rally

303
0

MANILA, Philippines – Tinarget ng isang coordinated wave ng cyberattacks ang mga website ng gobyerno nitong Setyembre 21, kasabay ng mga rally sa buong bansa laban sa mga maanomalyang flood control projects.

Ang cyberattacks ay nag-udyok ng mabilis na aksyon mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Ayon kay DICT Undersecretary Henry Aguda, pitong ahensya ng gobyerno ang nakaranas ng cyber breaches ngunit mabilis nila itong natugunan.

“Maraming nag-attempt, we had 54,000 LGUs and 12,000 NGAs, and 7 lang ang nagkaroon ng breach pero na-recover agad nang mabilis,” saad ni Aguda.

Kabilang sa mga naapektuhang ahensya ay ang Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of the Treasury (BTr), Bureau of Customs (BOC), Department of Foreign Affairs (DFA). Gayundin ang labintatlong website ng lokal na pamahalaan.

Kinumpirma ni CICC Usec. Renato “Aboy” Paraiso ang mga pag-atake at binigyang-diin ang mabilis na pagtugon: “Though less than 1 minute of being defaced, nakapag-responde agad sa mga websites.”

Tiniyak niya sa publiko na walang personal o sensitive data na nakompromiso.

“Walang public info/data ang na-hack, websites lang ng gov’t ang mino-monitor,” aniya.

Idinagdag ni Paraiso na humihiling sila ng raw footage ng mga kaguluhan na naganap sa Mendiola upang matukoy ang mga salarin gamit ang advanced facial recognition technology, kasama ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

“It will really depend on the case buildup ng law enforcements kung gaano katagal makapag-facial recognition ng mga nanggugulo, but we will provide the necessary manpower and resources to be able to catch the culprits,” aniya.

Iniulat din ng DICT na 23 ahensya ng gobyerno ang nakatanggap ng mga banta bago ang mga pag-atake, na may mga lokal na hacker na pinaplano umano na i-target ang 21 mga website. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here