Home HOME BANNER STORY PBBM handang magpaimbestiga sa ulat na tumanggap ng donasyon sa mga contractor

PBBM handang magpaimbestiga sa ulat na tumanggap ng donasyon sa mga contractor

219
0

MANILA, Philippines – HANDA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maimbestigahan hinggil sa kontribusyon na napaulat na tinanggap umano niya sa mga kontratista noong 2022 presidential polls.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat na payagan ang Commission on Elections na gawin ang tungkulin nito sa nasabing usapin.

”The President is willing to be investigated,” ani Castro.

”Let the Comelec do its job, investigate,” aniya pa rin.

Sa ulat, nakatanggap ng milyon-milyong pisong campaign contribution mula sa mga public works contractor sina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Dahil dito, lumakas ang panawagan para panagutin sina Marcos at Duterte matapos mabunyag na nakatanggap sila ng milyon-milyong pisong donasyon mula sa mga kontratistang nakikinabang sa malalaking proyekto ng pamahalaan.

Batay sa datos mula sa Commission on Elections (Comelec), ilang malalaking personalidad sa konstruksyon ang naging donor ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa noong 2022 campaign. Naitala sa Statement of Campaign Contributions na si Rodulfo D. Hilot Jr., may-ari ng Rudhil Construction & Enterprises Inc., ay nagbigay ng ₱20 milyon kay Marcos Jr. Isa pang kontratista, si Jonathan M. Quirante ng Cebu-based Quirante Construction Corporation, ay nagbigay ng ₱1 milyon.

Pagkatapos ng halalan, kapansin-pansin ang mabilis na paglobo ng mga kontratang nakukuha ng kanilang mga kumpanya. Umakyat sa ₱3.5 bilyon ang kontrata ng Rudhil Construction noong 2024, habang pumalo sa ₱3.8 bilyon ang Quirante Construction sa unang walong buwan pa lang ng 2025.

Si Duterte naman ay nakatanggap ng halos ₱20 milyon na halaga ng campaign ads mula sa Esdevco Realty Corporation, kompanyang pagmamay-ari ni Davaoeño businessman Glenn Escandor. Kanyang construction firm, Genesis88, ay nakakuha ng halos ₱3 bilyon na flood-control contracts sa Davao Region mula 2022 hanggang 2025.

Ayon sa Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga kontratistang may kasunduan sa pamahalaan, ngunit nananatiling tanong kung maipapatupad ang probisyong ito laban sa pinakamataas na lider ng bansa.

Gayundin ang iba pang senador, nakatanggap din ng mga donasyon mula sa iba’t ibang kontratista ng proyekto sa pamahalaan.

Sa nakalipas na dalawang linggo, lumutang ang ebidensiya ng sabwatan sa pagitan ng mga kontratista, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilang mambabatas kaugnay ng flood-control projects. Naging bunga nito ang pagbibitiw ni dating Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez, matapos mabunyag na tumanggap din sila ng donasyon mula sa mga kontratista.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na muling pinaigting ng komisyon ang imbestigasyon sa campaign donors matapos aminin ni Escudero na nakatanggap siya ng kontribusyon mula sa isang government contractor. Higit 50 kontratista at ilang kandidatong tumakbo noong 2022 ang iniimbestigahan ngayon ng poll body. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here