MANILA, Philippines – Nananatili pa ring naka-full alert ang Manila Police District (MPD) matapos ang naganap na malawakang protesta at mass arrest sa mga kabataang sangkot sa magulong rally kahapon, Setyembre 21.
Ito ang kinumpirma ngayon ni MPD PIO Chief Police Major Philip Ines habang patuloy na iniimbestigahan ang grupong “hiphop ganster” at ang presenya ng rebeldeng grupo sa marahas na rally sa Mendiola.
Ayon kay Major Ines, lumalabas aniya na batay sa salaysay ng mga naarestong indibidwal, naengganyo umano sila ng isang hiphop personality o rapper na nag-anyaya online.
Dagdag pa ni Ines, isang viral video ang nagpakita ng logo ng Communist Party of the Philipines sa likod ng isa sa mga nambugbog sa pulis dahilan para pag-aralan ang posibilidad na may nahalong rebeldeng grupo sa kilos protesta.
Sa ngayon ay umakyat na sa 216 ang naarestong raliyista mula sa Ayala Bridge, Mendiola at C.M. Recto.
Kabilang rito ang 127 na nasa hustong gulang, 89 ang menor de edad kung saan mula sa nasabing bilang, 67 ang Children in Conflict with the Law ( CICL) at 24 ang Child At Risk (CAR). Jocelyn Tabangcura-Domenden