MANILA, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na Chinese national sa isang operasyon laban sa illegal na pagmimina sa Aroroy, Masbate.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng BI Regional Intelligence Operations Unit 5 (RIOU5), Armed Forces of the Philippines, Philippine Army, Philippine Navy, Philippine National Police, at Masbate Provincial Police Office.
Ang grupo ay inaresto sa dalawang hiwalay na lugar sa Barangay Cabangcalan at Barangay Pangle, kung saan naaktuhan silang nagtatrabaho sa minahan na walang kaukulang permit at visa, habang ang iba ay overstaying na.
Kasunod ng kanilang pagkakaaresto, dinala sila sa Maynila para sa booking at kasalukuyang nakakulong sa BI Facility sa Taguig City. Sila ay sasailalim sa deportation proceedings.
“Illegal mining not only undermines our immigration and labor policies but also threatens the environment and the livelihood of local communities,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“We will continue to strengthen enforcement efforts, with the support of other government agencies, to ensure that violators are held accountable and our resources are safeguarded,” dagdag pa nito. JAY Reyes