MANILA, Philippines – Naka-white alert ang Department of Health (DOH) bilang bahagi ng paghahanda nito sa pag-landfall ng Severe Tropical Storm Opong sa Biyernes, Setyembre 26.
Sa ilalim ng white alert, inihahanda ng DOH Operations Center ang mga gamot, kagamitang medikal, at health emergency response team para sa mga rehiyong inaasahang maapektuhan ng bagyo.
Para sa emergency, sinabi ng DOH na maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa national emergency hotline 911 o sa anumang local emergency hotlines.
Namataan ang bagyong Opong alas-2 ng hapon sa layong 705 kilometro sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.
Sinabi ng PAGASA na maaaring umabot sa kategorya ng bagyo bago mag-landfall sa Bicol Region ang bagyong Opong. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)