Home NATIONWIDE PNP pinakilos sa road clearing, relief efforts sa typhoon-hit areas

PNP pinakilos sa road clearing, relief efforts sa typhoon-hit areas

283
0

MANILA, Philippines — Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga hepe ng pulisya sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Opong (international name: Bualoi) na tumulong sa road-clearing operations at tiyaking maayos ang paghahatid ng relief goods.

Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., pinagsusumite rin ng damage assessment reports ang mga police commanders upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong at upang masuri ang kalagayan ng mga istasyon at iba pang assets ng pulisya.

“Road clearing operations are necessary to ensure the smooth delivery of the relief items needed by our kababayan who were severely affected by this weather disturbance,” ani Nartatez sa isang pahayag.

Dagdag niya, hindi dapat maantala ang tulong mula sa pamahalaan.

Batay sa initial reports, higit 165,000 pamilya o mahigit 580,000 katao ang inilikas bilang bahagi ng safety measures na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Patuloy din ang koordinasyon ng PNP at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa ligtas na transportasyon at distribusyon ng relief goods sa mga pinakaapektadong lugar, kabilang ang Masbate sa Bicol, pati ilang bahagi ng Eastern Visayas, Mimaropa, at Calabarzon.

Inatasan din ni Nartatez ang mga regional directors na tiyakin ang seguridad sa mga evacuation centers.

“While we assure that your PNP will be there to assist our affected kababayans, we will also make sure that we will take care of our own,” wika ng opisyal.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility si Bagyong Opong nitong Sabado ng umaga.

Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 19 ang namatay dahil sa epekto ng bagyong Mirasol, Nando, Opong, at ng habagat. Apat ang kumpirmado habang 15 pa ang bineberipika. May naitala ring 18 sugatan at 14 katao ang iniulat na nawawala. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here