MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Energy (DOE) na nagpapatuloy na ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Opong.
Sa pahayag, sinabi ng ahensya na ang on-grid power plants BACMAN Units 1–3 sa Albay at Sorsogon (133 megawatts [MW] dependable capacity) maging ang Palayan Binary Plant in Albay (28 MW) ay naibalik na sa normal na operasyon.
Sa kabilang banda, ang Nabas 2 Wind sa Aklan (13.8 dependable capacity) ay nananatiling may outage hanggang sa kasalukuyan.
Iniulat ng DOE na siyam na diesel power plants (DPPs) sa ilalim ng National Power Corporation (NPC) Small Power Utilities Group ang fully operational ngunit nakararanas ng mga pagsubok sa mga sumusunod na distribution lines (DL):
— 3 DPPs ang naka-standby dahil sa non-operational DL;
— 32 DPPs ang lumilikha ng kuryente ngunit kulang sa operational DL; at
— 14 DPPs ay may DL partially energized dahil sa pinsala sa bagyo.
Sa transmission side, tatlong 69kV (kilovolt) NPC Transmission Lines (TL) sa Marinduque, Oriental Mindoro at sa Occidental Mindoro ang partially energized dahil sa DL faults, habang ang Masbate 69kV TL ay naka-standby.
Ipinadala na ng restoration teams ng NPC Task Force na tututok sa pagpapabilis ng restoration times sa apektadong mini-grids sa Camiguin Island at Cagayan.
Bilang preventive measure, ang NPC Power Barges 113 at 120 ay pansamantalang pinutol mula sa Marinduque Grid, at ang Power Barge 114 ay pinutol mula sa Ticao Grid.
Samantala, balik na sa normal ang transmission services sa Luzon at Visayas sa restoration ng Batangas-Taysan 69kV TL sa Luzon at Calbayog-Allen 69kV TL sa Visayas. RNT/JGC