MANILA, Philippines — Nanawagan ang Pilipinas sa United Nations Security Council (UNSC) na pangunahan ang regulasyon sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa larangan ng militar, kasabay ng babala na ang hindi mapigil na pag-unlad ng mga autonomous at AI-enhanced na armas ay maaaring magbunga ng bagong banta sa pandaigdigang seguridad.
Sa kanyang talumpati sa UNSC high-level debate on AI sa New York, iginiit ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na ang AI ay hindi na lamang usaping teknolohikal kundi usapin na rin ng pandaigdigang kapayapaan at katatagan.
Kabilang ang Pilipinas sa core group sa likod ng 2024 UN General Assembly resolution na “Artificial Intelligence in the Military Domain,” na nagbabala sa panganib ng AI-driven arms race, aksidenteng eskalasyon, at paggamit ng mga non-state actors.
Binigyang-diin ni Lazaro na maaaring bumaba ang “threshold for conflict” at tumaas ang tensyon sa mabilis na militarisasyon ng AI, lalo na kung kakalat ang autonomous capabilities nang walang pananagutan.
“Hindi dapat iwan sa mga makina lamang ang mga desisyong may kinalaman sa buhay at kamatayan,” ani Lazaro, na bumanggit din sa Manila Meeting on Autonomous Weapons Systems na idinaos sa bansa noong 2023.
Hinimok din niya ang Konseho na iangkla ang anumang pamantayan sa paggamit ng AI sa international humanitarian law at human rights law.
Binalaan ni Lazaro na ang maling paggamit ng AI mula sa deepfake propaganda at algorithmic disinformation hanggang sa automated targeting ay maaaring “makapagpabagsak ng mga demokrasya, makasira sa mga institusyon, at magpalala ng mga sigalot.”
Nanawagan siya ng transparency sa mga bansang armado at ng responsableng pakikilahok ng pribadong sektor alinsunod sa prinsipyo ng UN sa dignidad ng tao.
Kasabay nito, sinabi ni Lazaro na maaaring makinabang ang mismong UNSC sa paggamit ng AI para sa threat assessment, sanctions monitoring at counterterrorism, basta’t may mahigpit na limitasyon.
“The Philippines looks to the UN Security Council to assert its leadership in harnessing AI as a force for good and a powerful driver of peace and security,” dagdag pa ni Lazaro. RNT/JGC