Manila, Philippines – Mariing itinanggi ng isang notary public na siya ang gumawa o nag-notaryo ng sinasabing sinumpaang salaysay na binasa sa Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes ng isang nagngangalang Orly Regala Guteza.
Ipinakilala si Guteza na umano’y dating bodyguard ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co at umaming naghatid umano siya ng mga “kickback” mula sa proyekto ng gobyerno. “Mahigpit kong itinatanggi na ako ang nag-notaryo, pumirma, o nakilahok sa paggawa ng naturang dokumento. Ang pirma at notarial details na iniuugnay sa akin ay peke at walang pahintulot,” ani Atty. Petchie Rose Espera sa isang liham na ipinadala niya sa isang news network.
Sa parehong liham, iginiit ni Espera na tanggalin ang social media post na nagpakita ng affidavit. “Ang paggamit ng aking pangalan at notarial commission sa dokumentong iyon ay huwad, mapanlinlang, at nakakasira sa aking reputasyon bilang abogado at bilang notary public,” dagdag niya.
Si Guteza ay iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta sa Senate blue ribbon committee matapos umanong irekomenda ng dating kongresista na si Michael Defensor.
Sa harap ng komite, binasa ni Guteza ang affidavit na umano’y notarized ni Espera kung saan ikinuwento niyang naghatid siya ng maleta na puno ng “basura”—na sinasabing code umano para sa salapi—sa mga bahay nina Rep. Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Umabot sa mainit na pagtatalo ang usapin, habang binibigyang diin ni Espera na biktima siya ng pamemeke. RNT