Home NATIONWIDE 2-year extension ng amnesty program, hirit ng ELCAC

2-year extension ng amnesty program, hirit ng ELCAC

346
0

MANILA, Philippines – NAIS ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na i-extend ang amnesty program ng gobyerno sa mga rebeldeng komunista ng dalawang taon.

Sa execom meeting nito sa Palasyo ng Malakanyang nitong Huwebes, inirekomenda ng executive committee ng Task Force ang ekstensyon ng termino ng programa mula Marso 13, 2026 hanggang Marso 13, 2028.

Sinabi ni NTF-ELCAC Undersecretary Ernesto Torres Jr. na ang pagpapalawig ay hindi pa naaaprubahan “pending further review of the Office of the President.”

Ayon naman kay National Amnesty Commission chair Leah Tanodra-Armamento, ang ekstensyon ay naglalayong i-accommodate ang libo-libong potensyal na amnesty applicants.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address noong Hulyo na walang grupong guerilla ang maiiwan at gagawin ng gobyerno ang lahat upang masiguro na wala nang mabubuo ulit.

“We got an information from the Task Force Balik-Loob wherein they informed us that they have a total of 50,000 potential applicants and we have the remaining six months to receive the applications,” ayon kay Armamento.

Tinukoy nito ang datos mula sa Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity na nagsasabing may 40,000 decommissioned members ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front na mga potensyal na aplikante para sa amnestiya.

Magbibigay ang gobyerno ng livelihood assistance sa mga dating rebelde.

Samantala, as of September 19, mayroong 4,269 aplikante sa programa mula sa 10,000 inisyal na bilang ng inaasahang aplikante.

Gayunman, siyam lamang ang kamakailan na inirekomenda at inaprubahan ni Pangulong Marcos, at naghihintay pa ng certificates of amnesty.

Sinabi ni Armamento na ang approval process sa hanay ng ex-officio members ang sanhi ng “bottlenecks.”

Binanggit nito ang karagdagang requirements, partikular mula sa mga pinuno ng Department of Justice at Department of National Defense.

Aniya, kasama sa application form para sa mga naghahangad ng amnestiya ang admission of guilt na isinagawa sa ilalim ng panunumpa, subalit nais ng DOJ ang hiwalay na sworn affidavit ng pag-amin ng kasalanan.

“So, babalik uli ang papel, ibabalik mo uli iyan sa baba,” ayon kay Armamento.

Dagdag pa niya, nire-require ng DND ang original copy ng Joint AFP-PNP Intelligence Committee (JAPIC) Certification.

“So, sabi namin, hindi naman kami ang nag-i-issue ng JAPIC, kayo iyon eh, so you provide the original. So, ibabalik na naman namin iyon sa kanila. Maraming matrabaho,” aniya pa.

Kumpiyansa naman si Armamento na makahahanap ng paraan para gawing simple ang approval process, sabay sabing naresolba na ng komisyon ang 285 amnesty applications. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here