MANILA, Philippines – Isang guro at kasama nitong anak ang nagulungan ng isang pampasaherong bus habang nag-aabang ng masasakyan sa kahabaan ng Centennial-Gahak Road sa Kawit, Cavite.
Ayon sa nakalap na report nula sa pulisya, kinilala ang biktima na si Gemma, kasalukuyang teacher, at anak nito na nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan bunga ng pagkakasagi ng nasabing baby bus.
Kasalukuyan namang ginagamot sa San Pedro Calungsod Hospital ang mga biktima.
Base sa ulat, dakong alas-2:44 ng hapon nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Centennial at Gahak Road ng nasabing bayan kung saan galing umano ang mag-ina sa convenient store.
Nasa gilid ng kalsada at nag-aabang ng masasakyan ang mag-ina nang dumaan ang baby bus at nakaladkad ang mga ito.
Base sa salaysay ng drayber na si Rogelio, nawalan umano ng kontrol sa manibela hanggang sa nagdiretso ito sa lugar kung saan nag-aabang ng sasakyan ang mag-ina.
Napag-alaman na nagtuturo sa Cuneta Elementary School sa Baclaran, Pasay ang nasabing guro.
Lumabas sa imbestigasyon na wala umanong lisensiya ang driver at OR/CR ang sasakyan dahilan upang i-impound ito.
Nasa kustodiya na ng Kawit Municipal Police Station ang driver ng baby bus na si alyas Rogelio habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. MARGIE BAUTISTA