Home NATIONWIDE Mayor ng Mauban, Quezon at Municipal Council inireklamo sa Ombudsman kaugnay ng...

Mayor ng Mauban, Quezon at Municipal Council inireklamo sa Ombudsman kaugnay ng suspensyon sa 19 barangay chairman

341
0

MAUBAN, QUEZON – Naghain ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman ang 19 barangay chairman laban kay Mauban, Quezon Mayor Bautista Erwin Dwight Pastrana at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

Batay sa reklamo, kuwestiyonable umano ang naging desisyon ng alkalde at konseho na magsuspinde ng anim na buwan, nang walang sahod, sa 19 punong barangay.

Ayon sa kanilang affidavit, ang suspensyon ay “grave abuse of authority” dahil isinagawa umano ito nang walang pormal na pagdinig o imbestigasyon. Giit ni Brgy. Kapitan Rodante Almacen ng Brgy. San Isidro, wala umanong hurisdiksyon ang alkalde at municipal council na magpataw ng parusa sa mga barangay chairman, sapagkat saklaw lamang ito ng Liga ng mga Barangay.

Sa ulat, lumitaw na nag-ugat ang usapin sa hindi pagdalo ng 16 na punong barangay sa isang pagtitipon ng mga chairman sa bayan ng Quezon.

Dagdag pa sa reklamo, maaaring lumabag din umano ang mga opisyal sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang kumuha ng pribadong abogado na siyang naghanda ng mga dokumento kaugnay ng suspension order.

Ipinahayag ni Kapitan Almacen na ang hakbang na ito ay maaaring may kaugnayan sa pulitika, dahil umano sa kanilang naging suporta sa nakalaban ng kasalukuyang alkalde noong nakaraang halalan.

Samantala, umapela ang 19 barangay chairman kay DILG Secretary Jonvic Remulla na silipin ang kaso, dahil anila’y naapektuhan na ang serbisyong dapat ay naibibigay sa mga residente ng kanilang mga barangay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here