Home NATIONWIDE Kiko sa Landbank sa P457M withdrawal ng DPWH contractor: Umayos kayo para...

Kiko sa Landbank sa P457M withdrawal ng DPWH contractor: Umayos kayo para sa Filipino

357
0

MANILA, Philippines – Matinding binatikos ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Land Bank of the Philippines (LBP) sa kawalan ng aksyon laban sa inilabas na P457 milyon ng isang government contractor sa loob lamang ng dalawang araw.

Sa kasagsagan ng flood control scam probe, sinabi ni Pangilinan na nakapag-withdraw ng mahigit P457 milyon ang isang private contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa pondo ng flood control project nang hindi man lamang nabahala ang bangko.

“These are all very legalese and if we’re going to use legalese language in order to gloss over the fact that no matter how you look at it—two days, cash transactions, 457 million pesos—how can that, in any way, be unsuspicious or regular?” tanong ni Pangilinan kasabay ng pagtukoy sa interpelasyon ni Sen. Risa Hontiveros.

Lubhang nakababahala umano ang pahayag ng Landbank na mahigpit nitong ipinatupad ang umiiral na batas at regulasyon sa pagbabangko sa Pilipinas kaugnay ng inilabas na multi-milyong pondo.

“Ang tanong: Ibig sabihin ba dahil walang mali sa paglabas ng P457 million cash sa dalawang araw ay mauulit ito? Puwedeng gawin ito dahil, to quote, sumunod sila ‘faithfully and strictly’ sa lahat ng existing PH banking laws and regulations?” giit niya.

“We beg to disagree. Dapat sana sinabi nila sa kanilang statement, ‘maghahanap kami ng paraan para hindi na mangyari ulit ito,’” dagdag ng senador.

Ipinaalala rin ni Pangilinan sa LBP ang kanilang responsibilidad na bantayan ang buwis ng bayan na nilulustay imbes na magamit para sa pagkain, edukasyon, kalusugan, at hanapbuhay.

“Hinihiling ko lang sa Landbank at sa sino man na nag-draft ng statement nila, at sa lahat sa ating pinapasweldo ng taong-bayan, na magkaroon ng mindset na para sa tao, para sa Pilipino—na ialay ang araw-araw na gawain, ang bawat pisong pumapasok at lumalabas sa government banks sa Pilipino, sa kababayan natin,” aniya.

“It is not enough to not do bad but we must not stand idly by while bad is happening, or while bad is already being exposed to everyone. Pakiusap po ito: Please, Landbank, let us do better for our people,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Pangilinan na dapat may hiwalay na patakaran sa batas ang government banks tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines.

Isusulong din umano niya ang pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) matapos niyang punahin ang Landbank at Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa pagkabigong suriin ang suspicious transaction report na nalikha para sa P457-milyong transaksyon.

“Hindi ba dapat sana’y tinawagan nila (AMLC) ang Landbank at alamin ang detalye? At hindi ba sana kung hindi tumawag ang AMLC, eh tumawag ang Landbank sa AMLC—‘Ano ba dapat gawin dito? 457 million cash ang winithdraw galing sa pondo ng DPWH?’” ani Pangilinan.

Ang P457 milyong cash ay inilabas ng Syms Construction owner na si Sally Santos, isa sa mga kontratista ng DPWH na sangkot sa multi-billion infrastructure corruption issue. Ibinigay umano ang pera kay dating DPWH Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez.

(Ernie Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here