Bagong pag-asa para sa mga magbababoy, magmamanok, mag-iitlog, at dairy farmers matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 12308 o ang Animal Industry Development and Competitiveness Act.
Ayon kay AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, pangunahing may-akda ng batas, magbibigay ito ng dagdag na suporta sa livestock at poultry sector sa pamamagitan ng Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF) na may halagang P20 hanggang P30 bilyon kada taon epektibo sa loob ng 10 taon.
Ang pondo ay magmumula sa taripa ng mga imported na karne at dairy products.
Layon ng batas na pondohan ang mga programang tulad ng:
✅ Repopulation at herd build-up
✅ Disease control at vaccine development
✅ Cash assistance sa mga apektado ng ASF at bird flu
✅ Pagpapatayo ng modernong pasilidad gaya ng slaughterhouse at cold storage
✅ At credit facilities para sa mga magsasaka
Sa ilalim ng RA 12308, ang Bureau of Animal Industry na ang pangunahing regulatory agency sa mga veterinary drugs, biologics at vaccines.
Giit ni Cong. Briones, ito ay isang makabagong hakbang tungo sa mas ligtas, moderno, at globally competitive na livestock industry.
Aniya, “panibagong pag-asa ito para sa mga magsasaka at maliliit na mag-aalaga ng hayop.” Jocelyn Tabangcura-Domenden