Home NATIONWIDE Simbahan pasok sa execom ng NTF-ELCAC

Simbahan pasok sa execom ng NTF-ELCAC

365
0

Manila, Philippine – Nagkaroon ng malaking lakas ang Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict matapos na pormal na sumali ang Philippine Council of Evangelical Churches sa Executive Committee, kalakip ang pangakong buong suporta para sa kapayapaan at kaunlaran.

Inanunsyo ito sa isang press conference sa Malacañang matapos ang ika-8 pagpupulong ng execom ng NTF-ELCAC, kung saan inilarawan ni PCEC National Director Bishop Noel Pantoja ang pakikipag-ugnayan bilang isang espiritwal na tungkulin at makabayang pananagutan.

“This is a blessing to the church but at the same time to the country… Makasisigurado po kayo sa presence ng church ngayon, babantayan po natin ‘yung ghost projects. At makasisigurado tayo na ang church talaga ay galit sa korapsyon at tinindigan natin ito hanggang ngayon,” pahayag ni Pantoja.

Kinakatawan ng PCEC ang 78 evangelical denominations, mahigit 40,000 lokal na simbahan, at 268 misyon at iba pang organisasyong panrelihiyon. Sa pag-upo nito sa execom, tiniyak na magiging aktibo ang simbahan sa paghubog at pagmamanman ng mga polisiya at programang tumutugon sa ugat ng insurhensiya.

Sa isang sulat ng suporta noong Setyembre 19, 2025 para sa NTF-ELCAC, binigyang-diin ni Bishop Pantoja na pinupuri ng PCEC ang pamahalaan “sa pag-i-institutionalize ng whole-of-nation, people-centered, at human rights-based blueprint upang tugunan ang ugat ng insurhensiya at makamtan ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan.”

Dagdag niya, ang pagtutugma ng National Action Plan for Unity, Peace and Development 2025–2028 sa mas malawak na balangkas ng seguridad at kaunlaran ng bansa ay nagbibigay ng “makasaysayang pagkakataon upang mailocalize ang mga interbensyon, mapalakas ang monitoring at evaluation, at ma-engganyo ang multi-sektoral na pakikipagtulungan.”

“We affirm that our support and participation will be consistent with national laws, human rights obligations, and principles of non-partisanship and transparency,” diin pa ng sulat.

Mainit namang tinanggap ni NTF-ELCAC Executive Director at Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. ang pakikilahok ng PCEC, na tinawag niyang makapangyarihang dagdag sa mga pagsisikap ng Task Force.

Ipinaliwanag niya na nakapaghahatid na ang BDP ng mga konkretong proyekto gaya ng farm-to-market roads, mga gusali ng paaralan, sistema ng tubig, health centers, at elektripikasyon sa mga barangay na malaya na sa impluwensya ng mga rebelde.

Binigyang-diin naman ni Bishop Pantoja na ang presensya ng simbahan sa bawat sitio at barangay ay nagbibigay rito ng natatanging kakayahan upang hikayatin ang mga komunidad na akuin ang mga proyektong pangkaunlaran at tiyakin ang transparency. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here