MANILA, Philippines – Maaaring abutin ng isa pang buwan bago maibalik ang pasok sa mga paaralan sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Sa panayam, sinabi ni Department of Education Undersecretary for Operations Malcolm Garma na naka-depende ang tagal ng panahon na maibalik ang operasyon ng mga paaralan sa kung gaano naman kabilis matatapos ang reconstruction.
“Ang tantsa mga 30 days talaga bago maka-restore (school operations) depende sa bilis ng construction,” ani Garma.
Sa Bogo City, Cebu na pinakanapuruhan ng lindol, nasa 38 paaralan ang pinaniniwalaang nagtamo ng matinding pinsala. Sa kabila nito, natatagalan naman ang inspeksyon at damage assessments dahil sa tuloy-tuloy pa ring aftershock.
“Kung sa Bogo City, mayroon tayong 38 schools doon. We are still undergoing assessment kasi hindi natin mapuntahan or hindi maka-assess pa dahil may aftershocks pa roon,” sinabi ni Garma.
“Definitely, ‘yung 38 (Bogo City) schools natin could have sustained damages talaga,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi rin ni Garma na maaaring matagalan ang recovery efforts dahil sa lakas ng lindol na tumama.
Sa lahat ng apektadong lugar kabilang ang Regions 5, 6, at 7, nakapagtala ang DepEd ng nasa 5,587 silid-aralan na nagkaroon ng major damage.
“Yung kabuuan nung lahat ng naapektuhan ng lindol kasama na diyan ‘yung Region 5, 6, 7 at of course 7…sa ngayon, mayroon na tayong naitala na mga 5,587 na classrooms na major damage talaga,” aniya.
Ilan sa mga paaralan ay bahagi na ng reconstruction program ng DepEd habang ang iba ay inaasahang idaragdag sa susunod na phase ng rehabilitasyon.
“Maaaring ito (damaged classrooms) ay isusunod na sa pagpoprograma natin na gawin,” ani Garma.
Upang makapagpatuloy pa rin sa pag-aaral ang mga estudyante ay lilipat ang mga ito sa home-based learning.
Nakahanda naman ang DepEd sa pamamahagi ng mga module sa local field offices.
“Magho-homebased muna tayo at handa naman ang ating mga field offices. Naka-preposition ‘yung kanilang modules.” RNT/JGC