MANILA, Philippines – KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang inagurasyon ng Farm Fresh Milk Plant sa San Simon, Pampanga ay makatutulong na mapataas ang local production at suplay ng dairy products sa bansa.
Sa isang seremonya sa Global ASEANA Business Park 2 sa bayan ng San Simon, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ribbon-cutting ceremony para sa Farm Fresh Milk Plant Building 2.
Ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang pasilidad ng production plant sa Building 3, kabilang na ang ‘mixing, pasteurization, bottle labeling, filling, at packaging areas.’
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi niyang nais niyang maging ‘less dependent’ ang Pilipinas sa mga imported dairy product, sabay sabing sa tulong ng bagong dairy farm ay mapadadali ang streamlined processing ng dairy production sa bansa.
“Ang paglaki at pag-develop ng ating kabataan ay nakasalalay sa tamang nutrisyon, kabilang na dito ang galing sa gatas. Ang industriya ng pagkain, ng manufacturing ay nanggagaling din ng gatas para sa produksyon ng mga tinapay, panghimagas at iba pang mga delicacy,” ang sinabi ng Pangulo.
“Sa pagpapasinaya natin ng Farm Fresh Milk Inc. Plant, lagi nating tiyakin ang karagdagang lokal na produksyon at suplay ng gatas sa bansa,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.
Nagpasalamat naman ang Chief Executive sa Farm Fresh Milk, Inc. sa pagsisikap nito na palakasin ang lokal na produksyon ng dairy products.
Aniya, ang inagurasyon ng dairy processing plant ay makapagbibigay ng mas maraming livelihood opportunities para sa lokal na magsasaka at farm workers.
“With the Farm Fresh Milk [Plant], we are open, and we are looking forward to a much larger supply of fresh milk for our people. But of course, I was very excited when we heard that there is a Phase 2,” ang winika ng Pangulo.
Binigyang diin ang kahalagahan ng dairy sector sa Pilipinas, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahan na ang bagong planta ay makapagpo-produce ng 32 milyong litro ng pasteurized milk at mahigit sa 2.4 milyong litro ng yogurt, taun-taon.
“Bukod sa epektibong produksyon, magbibigay din ito ng mas magandang kinabukasan para sa ating kababayan. None of this would have been possible without the consistent support of Farm Fresh in our collective aspiration to boost our local production of dairy,” aniya pa rin.
Ang Farm Fresh Milk ay Philippine subsidiary ng Farm Fresh Berhad, isang Malaysian dairy company. Kris Jose