MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan nito sa pagtugon sa pananalasa ng Bagyong Paolo (international name: Matmo) matapos itong mag-landfall sa Dinapigue, Isabela.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakaalerto na ang quick response teams at handa na ring ipadala ang mga nakaposisyong food packs at iba pang relief goods.
“While assisting Masbate, Cebu, and Nando-hit areas, DSWD is also keeping an eye out for this new storm. We are ready,” ani Gatchalian nitong Biyernes, Oktubre 3.
Ipinaliwanag naman ni Assistant Secretary Leo Quintilla, na siyang OIC ng National Resource and Logistics Management Bureau, na kumpleto ang inihandang kagamitan at pasilidad ng ahensya para sa disaster response.
“Yung ating preposition hindi lang food boxes, but sa mga field offices natin meron naman silang mobile kitchen… yung 17 regions natin mayroon din mga command centers. So, ibig sabihin naka-deploy yun,” ani Quintilla.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) alas-6 ng umaga nitong Biyernes, may higit 2.3 milyon kahon ng family food packs (FFPs) na nakaposisyon sa buong bansa.
Sa Cagayan Valley, may 137,661 kahon ng FFPs, habang nasa 249,533 kahon naman ang nasa Central Luzon na maaaring ipadagdag sa mga LGU. Mayroon ding 52,000 kahon sa Ilocos Region at mahigit 65,000 FFPs sa Cordillera Administrative Region.
Aminado si Quintilla na hamon pa rin ang logistics sa Batanes dahil limitado ang transportasyon, kaya’t mahigpit ang koordinasyon ng DSWD sa Philippine Coast Guard, Navy, at Air Force para sa tuloy-tuloy na delivery ng suplay.
“Every time na may chance na may trips doon ay nagpapadala tayo ng food boxes and other needs. So, we’re confident na naka-restock na tayo doon and we’re ready to respond,” dagdag niya.
Tampok din ang walang sawang pagsisikap ng mga tinaguriang “Angels in Red Vests” — ang mga staff at volunteers ng DSWD — na patuloy na nagre-repack ng food boxes na umaabot sa 18,000 hanggang 25,000 kada araw.
Bilang lead agency sa camp coordination at pamamahala ng mga internally displaced persons, muling tiniyak ng DSWD ang kahandaan nito sa epekto ng bagyong Paolo. RNT/JGC