ISA si Surigao del Sur First District Rep. Romeo Momo nang magdesisyon ang Kamara na itigil na ang sarili nitong imbestigasyon sa ‘flood control project scandal’ at ipaubaya na ito sa Senado at sa binuong ‘Independent Commission on Infrastructure’ ni Pang. Bongbong Marcos.
Mahirap kasing kumbinsihin ang publiko na maging “parehas” ang Kamara dahil sangkot din sa anomalya ang ibang mambabatas. Mas mainam aniya na gawin ang tamang hakbang– paghahanap ng “solusyon” sa problema natin sa baha.
Bilang ‘certified civil engineer,’ dating Undersecretary for Operations ng DPWH sa termino ni Secretary Rogelio Singson at matagal nang nag-aaral sa problema natin sa baha, ipinunto ni Cong. Momo na matagal na ring may ‘masterplan’ laban sa baha, partikular sa Metro Manila—noon pang 2012.
Ang “problema” nga lang, aniya, ‘disconnected’ ang implementasyon at syempre, “kanya-kanya” rin ang “pabida” ng local government units na may mga sariling masterplan sa kanilang mga nasasakupan. Wala pa rito ang “diskarte” ng mga korap sa DPWH at sa Kongreso.
Sa panayam natin kay Cong. Momo sa ating programang ‘Prangkahan’ sa ‘FlashTV’ kasama si National Press Club director Benedict Abaygar, may mga insidente pa umano na natapos ang flood control project sa ‘boundary’ ng LGU, aguy! At dahil “putol” ang koneksyon ng mga ‘drainage,’ isa lang ang resulta: Baha.
Sa nakaraang tatlong taon, higit isang trilyong piso na ang nilustay sa mga flood control project. Ang pagbaha? Problema pa rin!
Sa orihinal namang masterplan ni Momo na nakabatay sa totoong siyensya at pag-aaral ng mga eksperto, alam ba ninyong aabot lang sa kalahating bilyon ang dapat ilaan para sa pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa BUONG Metro Manila?
Hmm. mainam siguro na ipatawag ni PBBM si Momo? At konsultahin kung paanong matino, maayos at ‘corruption free’ na maipatutupad ang solusyon sa pagbaha? Hindi masama dahil nga ‘Cong. Momo knows what he is talking about.’
Kaya, ‘if I were you, Mr. President, I would dial the number of Cong. Momo,’ now na, hane?
Abangan!






