MANILA, Philippines — Labimpitong araw matapos ang nakamamatay na flash floods na tumama sa Valencia City, Bukidnon noong gabi ng Setyembre 17, patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang dalawang nawawala habang isa pang bangkay ang natagpuan nitong Oktubre 4.
Kinilala ang natagpuang biktima na si Dina Consolacion, 48, residente ng Purok 13, Poblacion. Natagpuan ang kanyang katawan na palutang-lutang malapit sa Busco Bridge sa Barangay Butong, Quezon, at agad kinilala ng mga kaanak.
Dahil dito, umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi.
Kabilang sa mga unang nakumpirmang nasawi sina Jaya Taña, 27; King Winston Adran, 13; Larry Labay, 53; Princess Kyarah Dacoycoy, 17; at Deejay Ark Taña Viña, 4.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) chief June Ray Valero, nagpapatuloy ang search and retrieval operations para sa dalawa pang nawawala. Ito ay sina Johnny Borbon, 63, at Andrea Vistal, 2.
Sinabi ni Valero na magpapatuloy ang operasyon hangga’t walang inilalabas na opisyal na kautusan ang city government para tapusin ito.
Ayon sa mga pamilya ng mga nawawala, tinatanggap na nila ang masaklap na posibilidad habang patuloy na nag-aalay ng dasal para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Malaki rin ang pinsalang idinulot ng flash floods na sumira sa milyun-milyong pisong halaga ng ari-arian, kabuhayan, at pananim, at nagpalikas sa daan-daang pamilya.
Patuloy naman ang relocation efforts ng pamahalaang lungsod para sa mga residenteng pansamantalang nanunuluyan sa city gymnasium.
Ililipat umano sila sa bagong tirahan sa Barangay Pinatilan kapag natapos na ang subdivision plan at konstruksyon ng mga housing unit. RNT/JGC