Home NATIONWIDE Holdaper patay sa engkwentro, kasamahan tugis

Holdaper patay sa engkwentro, kasamahan tugis

281
0

AGUSAN DEL SUR- PATAY ang isang holdaper habang tugis ang kasamahan nito matapos makipagbarilan sa mga pulis makaraan holdapin ang isang gasolinahan kahapon, Oktubre 4 sa bayan ng San Francisco.

Kinilala ang namatay na suspek na si Chris Jay E. Siano, 24, residente ng Sitio Durian, Purok 3, Brgy. Lucac, San Francisco, Agusan del Sur habang patuloy na pinaghahanap ang kasama nitong nagmamaneho ng motorsiklo.

Batay sa pinagsamang report ng San Francisco Municipal Police Station at Agusan del Sur Provincial Police Office, hinoldap umano ng mga suspek ang MJP Ventures Corporation Mini Gasoline Station sa Purok 1, Brgy. Tagapua, ng nasabing bayan.

Agad naman nakaresponde ang mga nagpapatrolyang pulis sa naturang lugar at hinabol ang mga suspek na tumatakas sakay ng motorsiklo.

Sa halip na sumuko ang mga suspek ay binaril ng mga ito ang mga pulis na nauwi sa palitan ng putok.

Tinamaan si Siano sa iba’t ibang parte ng katawan na siyang nakaangkas sa motorsiklo habang mabilis na tunakas ang kasama nito sa di-malamang direksyon.

Nagawa pang isugod na pulisya ang suspek sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Nakapulot ang pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ng 1 bala ng 9mm; 7 basyo ng caliber 9mm; 1 sling bag; 1 unit na Black Skygo motorcycle na walang plate number, at 1 caliber .45 pistol na may mga bala.

Sinisiyasat na ng pulisya ang mga kuha sa CCTV footage para sa pagkakakilanlan sa nakatakas na suspek para sa agaran nitong pagdakip. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here