NITONG Setyembre 29, 2025, iginawad ng Pag-IBIG Fund, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga bagong pabahay sa mga kwalipikado at graduating na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na aktibong miyembro rin ng Pag-IBIG Fund.
Idinaos ang turnover ceremony sa Abuab Housing Project sa San Mateo, Rizal, na nagsilbi ring panimula ng obserbasyon ng National Shelter Month 2025. Ito ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na masiguro ang ligtas, disente, at abot-kayang pabahay para sa lahat ng Filipino. Ipinakita rin ng nasabing programa ang matibay na pagtutulungan ng mga ahensiya ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang akses sa maayos na pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH).
Binigyang-diin ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang kahalagahan ng inter-agency cooperation para maisakatuparan ang mga layunin sa pabahay ng administrasyon.
Kinatawan ng Pag-IBIG Fund, si deputy chief executive officer Alexander Hilario Aguilar, ay nagpatunay na maaaring makakuha ng sariling unit ang mga kuwalipikadong miyembro sa Abuab Towers, na mag-aalok ng kabuuang 4,330 condominium units.
Para sa 24-square-meter unit, ang buwanang hulog ay kasingbaba ng Php 6,201.81 at maaari pang bumaba sa Php 4,849.38 sa tulong ng subsidiya ng DHSUD.
Higit 100 benepisyaryo ng 4Ps ang nakatanggap na ng Notice of Approval para sa kanilang Pag-IBIG housing loans, at ilan sa kanila ay personal na tumanggap ng kanilang mga yunit sa seremonya.
Patuloy na naglilingkod ang Pag-IBIG Fund sa mga miyembro sa buong bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang benepisyo kagaya ng savings programs, multi-purpose loans, at iba’t ibang housing modalities sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Upang mailapit ang serbisyo sa komunidad, nagpadala rin ang Pag-IBIG Fund ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels (LPOW) sa nasabing pagtitipon.
Nagbigay ito ng agarang tulong para sa membership registration, housing loan inquiries, at iba pang programa.
Ang turnover sa San Mateo ay nagsisilbing mahalagang hakbangin sa pinagsanib na pagsisikap ng DHSUD, DSWD, Pag-IBIG Fund, at lokal na pamahalaan upang maisakatuparan ang layunin ng pamahalaan na mabigyan ng disenteng tahanan ang bawat pamilyang Filipino.






