Home NATIONWIDE Kwalipikadong SK leaders maaari nang makakuha ng civil service eligibility

Kwalipikadong SK leaders maaari nang makakuha ng civil service eligibility

433
0

MANILA, Philippines — Maaaring makakuha ng civil service eligibility ang mga kwalipikadong halal at itinalagang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na nasa mabuting katayuan, ayon sa anunsyo ng Civil Service Commission (CSC) nitong Sabado.

Batay sa CSC Resolution No. 2500752, o Rules Governing the Grant of Eligibility to SK Officials na ipinromulga noong Hulyo 24, 2025, ang mga SK official na nakapagsilbi ng buong tatlong taong termino o katumbas nito ay maaaring pagkalooban ng Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE).

Ang SKOE ay katumbas ng eligibility para sa first-level positions sa career service, maliban sa mga posisyong saklaw ng board laws o nangangailangan ng espesyal na eligibility.

“This privilege, granted exclusively to duly elected and appointed SK officials, recognizes the vital role of the youth in nation-building and affirms their contributions to public service,” ayon kay CSC Chairperson Marilyn Yap.

Dagdag pa niya, “Through the SKOE, we empower young leaders to pursue careers in government and continue their service to the Filipino people.”

Saklaw ng SKOE ang mga opisyal na nanungkulan sa bisa ng Republic Act No. 11768 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, na naging epektibo noong Hunyo 1, 2022.

Kabilang dito ang mga opisyal na nagsilbi mula 2018 hanggang 2022, mga halal na miyembro ng Katipunan ng Kabataan (KK), gayundin ang mga SK secretary at treasurer na itinalaga ng SK chairperson at inaprubahan ng karamihan ng SK council.

Nilinaw ng CSC na ang mga SK chairperson ay saklaw ng Barangay Official Eligibility (BOE) at hindi ng SKOE.

Maaaring mag-apply para sa SKOE simula Oktubre 4, ang petsa ng bisa ng naturang resolusyon. Ang aplikasyon ay dapat isumite sa CSC regional office na may hurisdiksiyon sa barangay kung saan nanungkulan ang aplikante o sa pinakamalapit na CSC field office.

Pinaalalahanan din ng CSC na maaari nitong bawiin ang SKOE ng mga aplikanteng mapatunayang hindi kwalipikado o lumabag sa umiiral na mga batas at alituntunin.

Makikita ang buong teksto ng CSC Resolution No. 2500752 sa opisyal na website ng CSC sa https://csc.gov.ph/downloads/must-read-resolutions/category/ RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here