MANILA, Philippines — Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga pari at mananampalataya na makiisa sa isang buwang “National Day of Prayer and Public Repentance” simula sa susunod na linggo bilang tugon sa patuloy na pagsubok ng bansa sa mga kalamidad at korapsyon.
Sa liham na ipinadala sa mga diyosesis, hinimok ni CBCP president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang mga parokya, kapilya, paaralan, pamilya, at organisasyong simbahan na makibahagi sa pagdiriwang na kasabay ng Feast of Our Lady of the Holy Rosary.
Ayon kay David, layunin ng inisyatibo na magsilbing “panalangin ng pambansang pangungumpisal at pagsisisi” bilang tugon sa mga kalamidad na patuloy na dumadanas sa bansa.
Magsisimula sa Martes ang pagdarasal ng espesyal na panalangin na pinamagatang “A National Cry for Mercy and Renewal”, na isasagawa tuwing Linggo hanggang sa Feast of Christ the King sa Nobyembre 23.
Ang panalangin ay isang tuloy-tuloy na panawagan para sa awa at pagbabagong espiritwal.
Dagdag pa ni David, bahagi rin ito ng paglalakbay ng simbahan sa synodality — ang sabayang paglalakad ng bayan ng Diyos sa pakikinig sa Espiritu Santo at sa isa’t isa.
“This act of national contrition is also a step in our journey of synodality — walking together as God’s people, listening to the Spirit and to one another, in humility and hope,” aniya.
Binigyang-diin ng panalangin ang pagsisisi para sa kasalanan ng korapsyon, kawalang-katarungan, at political patronage, gayundin ang panawagan ng awa ng Diyos sa gitna ng mga kalamidad na tumatama sa bansa. RNT/JGC