MANILA, Philippines — Nakilahok ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa whole-of-nation response para tulungan ang mga nasalanta ng malakas na lindol sa Cebu, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organization (NGO).
“Alinsunod po ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagsasanib-pwersa ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtulong sa pagbangon ng ating mga kababayang nabiktima ng lindol sa Cebu,” pahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Nitong Sabado, dumalo ang mga opisyal ng DHSUD sa interagency response meeting sa Bogo City, ang sentro ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30.
Kabilang sa mga dumalo sina Undersecretaries Ed Robles at Ramon Quintin Allado, at Assistant Secretary Hernando Caraig Jr., kasama si Philippine Red Cross chair Richard Gordon at iba pang opisyal ng mga ahensya at NGO upang mapalakas ang koordinasyon sa pagtulong sa mga biktima.
Sinuri rin ng DHSUD officials ang isang residential area sa Purok Joseph, Barangay Dakit, na pinaniniwalaang nasa ibabaw ng fault line na nagdulot ng pagyanig.
Kasama ang mga eksperto mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ininspeksyon din nila ang proposed “tent city” site na pansamantalang tutuluyan ng mga residenteng nawalan ng bahay o takot pang bumalik sa kanilang mga tahanan.
Noong Biyernes, ipinadala ni Aliling ang DHSUD team sa Cebu upang magsagawa ng ground assessment at tukuyin ang uri ng tulong na maaaring ibigay sa mga naapektuhan.
Iniutos din ni Aliling sa mga key shelter agencies ng DHSUD na suspindihin muna ang housing amortization ng mga biktima ng lindol at ng mga nagdaang bagyong Nando at Opong sa Bicol at Cebu, alinsunod sa utos ng Pangulo. RNT/JGC