Home NATIONWIDE Speaker Dy, nanawagan ng pagkakaisa sa mga kawani ng Kamara sa gitna...

Speaker Dy, nanawagan ng pagkakaisa sa mga kawani ng Kamara sa gitna ng krisis

262
0

Manila, Philippines – Hinimok ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga empleyado ng Malaking Kapulungan ng Kongreso na magkaisa at sama-samang isulong ang iisang layunin upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso sa gitna ng krisis na dinaranas ng Kongreso.

Sa flag ceremony kaninang umaga kung saan naging panauhin si Senior Citizens Party-list Rep. Ompong Ordanes ay nagpahayag din ng pasasalamat si Dy sa mga empleado, guardia at maintenance personnel na patuloy na nagsisilbi sa Kamara ng may dedikasyon at integridad.

“Alam kong hindi madali ang sitwasyon ng Kongreso sa panahong ito. Mabigat ang hamon sa ating institusyon at maging sa bawat isa sa atin. Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Pero ito rin ay paalala na mas kailangan nating pagbutihin ang ating trabaho at ibalik ang tiwalang iyon sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod. Tandaan lang natin lahat: sa bawat bagyo, may araw na muling sisikat. Sa bawat gabi ng dilim, may liwanag na paparating. Laging may liwanag sa dulo ng bawat lagusan,” giit ni Dy.

Sa mga kongresista na walang pahinga para matapos ang deliberasyon sa badyet ng 2026 ay nagpahayag din ng pasasalamat si Dy sa pagsasabing “walang batas na maipapasa at walang sesyon na maisasagawa kung wala ang inyong sipag at dedikasyon. Walang katumbas na salita ang aming pasasalamat. Muli, maraming, maraming salamat sa inyo.”

Ang tema ng seremonya na, “Kasama All: Tungo sa Diwang Makabayan,” ay nanawagan si Dy sa mga empleado ng pagkakaisa at nagpaalala na ang pagbibigay ng serbisyo sa bayan ay saklaw ng kanilang responsibilidad.

“Ito ang paalala na sa Kongreso, walang nag-iisa. Lahat tayo ay may mahalagang papel — mula sa mga mambabatas hanggang sa mga simpleng kawani — upang magtaguyod ng isang makabayan, tapat at maaasahang paglilingkod. Tandaan natin: hindi tayo nagsisilbi para sa sarili, kundi para sa bawat pamilyang Pilipino na umaasa sa atin.”

Iginiit din ni Dy sa mga dumalo sa flag ceremony na ang watawat ng Pilipinas  ay hindi lamang isang simbolo ng bansa kungdi ito ay dapat na maging simbolo ng panata na paglilingkuran ang taumbayan.

“Ngayong umaga, habang nakaharap tayo sa ating watawat, alalahanin natin na hindi lang ito simbolo ng ating bansa. Ito rin ay simbolo ng ating panata: na maglingkod nang marangal, mahusay at makatao. Magtulungan tayo. Magkaisa tayo. Kasama sa ating bawat gawain at bawat hakbang ang diwa ng pagiging makabayan.”

Hamon pa ni Dy na gawing inspirasyon ang mga pinagdadaanang krisis ng Kongreso dahil matatapos din aniya ang mga pagsubok na dumarating.

“Simula sa araw na ito, hinahamon ko po kayong lahat: Gawin nating inspirasyon ang bawat krisis, at gawin nating pagkakataon ang bawat pagsubok. Naniniwala po ako na hindi tayo pababayaan ng Maykapal, basta’t tayo ay patuloy na magsisikap, magiging tapat, manalangin, at magtiwala sa Kanya. At sa huli, mga kasama, tandaan natin: Ang lahat ng unos ay may katapusan. Ang lahat ng dilim ay may liwanag na darating.” (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here