MANILA, Philippines – Hindi maaaring magkunwaring walang alam si Vice President Sara Duterte sa mga transaksiyon sa joint bank account nila ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil pumirma siya sa updated na KYC documents at co-owner siya ng account.
Ayon kay House Prosecution Adviser dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na hindi maaaring ihiwalay ni Duterte ang sarili sa mga transaksiyon sa account na magkasama nilang pag-aari.
“She cannot feign ignorance in this transaction kasi number one pumirma siya ng updated KYC documents, number one. Number two, co-owner ka nung account eh so kung anuman responsibility being a co-owner, sagot mo ‘yun. So dapat alam mo ‘yun,” pahayag ni Barbers.
Ang tinutukoy niya ay ang updated na Know Your Customer (KYC) documents, na ginagamit ng mga bangko para beripikahin ang pagkakakilanlan ng may-ari ng account at i-update ang impormasyon nito.
Sa testimonya ni Bank of the Philippine Islands (BPI) Central Metro Manila Division Head Marwin Galvez kinumpirma nito na may joint account sa ilalim ng pangalan nina Rodrigo Duterte at Sara Duterte sa Julia Vargas branch ng bangko sa Pasig City.
Sa pagtatanong ni House prosecution counsel James Bryan Ibrahim Alih, tinukoy ni Galvez ang mga rekord ng dalawang time deposit na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P96 milyon, na kalaunan ay ginawang manager’s check.
Ang isang deposito na P40.65 milyon, na binuksan noong 2010, ay lumaki sa humigit-kumulang P41.72 milyon matapos ang 12 renewal. Ipinasok ang kita sa Julia Vargas account noong Marso 2011 at ginamit sa pagpopondo ng isang manager’s check.
Tinukoy rin ni Alih ang isa pang P55 milyong time deposit na ginawang manager’s check sa parehong panahon.
Sinundan pa ng prosekusyon ang apat na magkakahiwalay na P20 milyong transfer mula sa joint account noong Marso 2014, na umabot sa P80 milyon, para sa mga insurance product.
Kasama rin sa trail ang P16.85 milyong manager’s check na may petsang Mayo 30, 2016 na ipinangalan sa negosyante sa Davao na si Samuel “Sammy” Uy. Napatunayan sa testimonya na ginamit ito sa pagbili ng insurance policy.
Kinuwestiyon naman ni House Prosecution Spokesperson Zia Alonto Adiong ang paulit-ulit na pahayag ni Duterte na hindi niya alam ang mga transaksiyong kinasasangkutan ng mga taong malapit sa kanya.
“I think it’s really hard to believe that the Vice President continuously use ‘yung ignorance as her defense,” ani Alonto Adiong.
Mahirap umanong tanggapin ang ganitong paliwanag mula sa isang taong hayagang nagpahayag ng intensiyong tumakbo sa pagkapangulo. Gail Mendoza