MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang isang pekeng post sa social media na nagsasabing iniutos umano ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga pulis, sundalo, at iba pang uniformed personnel na suwayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Ang mga pahayag na ito ay gawa-gawa at may masamang layunin upang magdulot ng kalituhan at siraan ang aming institusyon,” ayon sa PNP sa isang pahayag nitong Martes ng gabi. Sinabi rin ng ahensya na iniimbestigahan na ang pinagmulan ng disinformation at magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.
“The PNP remains steadfast in its allegiance to the Constitution and committed to following lawful orders from our Commander-in-Chief,” dagdag pa ng pahayag.
Sa hiwalay na panayam nitong Lunes, itinanggi ni Nartatez ang mga tsismis na may planong bawiin ng PNP ang suporta kay Marcos. “What’s the basis? We have a president who won by a majority vote… I don’t see any basis to remove him from office,” aniya.
Lumabas ang paglilinaw matapos ring tanggihan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang panawagan ng ilang grupo at retiradong opisyal na patalsikin ang Pangulo kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastruktura. Santi Celario