Home HOME BANNER STORY Estudyante sa Rizal, kinaladkad ng nasaging kotse; lisensya ng drayber pinakakansela ng...

Estudyante sa Rizal, kinaladkad ng nasaging kotse; lisensya ng drayber pinakakansela ng DOTr

333
0

TERESA, RIZAL — Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensya ng driver ng kotse na umano’y humabol at sinadyang banggain ang isang estudyante na sakay ng motorsiklo na umano’y nakasagi sa kanya sa bayan ng Teresa, Rizal.

Batay sa ulat at kumalat na video sa social media, makikita ang isang sasakyang humabol at binangga ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang estudyante matapos umano nitong masagi ang kotse sa kalsadang bahagi ng Barangay Poblacion.

Ayon sa isang Facebook post ng isang Jonald Reynaldo, inaanak niya umano ang estudyante, at nangyari ang insidente matapos magkaroon ng maliit na gasgas sa sasakyan habang naipit sa trapiko malapit sa palengke.

“Sa konting gasgas ng kotse niya ang gusto niyang kapalit ay buhay ng bata. Isa na nmang demonyo ang umahon mula sa ilalim ng lupa,” ayon pa sa post ni Reynaldo.

Kinondena naman ni Lopez ang insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng driver.

“No amount of explanation can justify his actions. Mas may edad siya, dapat alam niya kung ano ang tama,” ani Lopez.

Dagdag ng Kalihim, nakipag-ugnayan na siya sa pamilya ng biktima at magbibigay ang ahensya ng libreng abogado upang tulungan sila sa pagsasampa ng kaso. Maglalabas din ng show cause order ang LTO ngayong araw upang pormal na ipatawag ang sangkot na driver.

Mariing paalala ni Lopez sa publiko na ang ganitong uri ng road rage ay may mabigat na kaparusahan sa ilalim ng batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here