MANILA, Philippines – Binawasan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng House appropriations committee ang ilang alokasyon sa ilalim ng unprogrammed appropriations ng panukalang ₱6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026, kabilang ang pondo para sa mga imprastraktura at health allowances.
Ayon kay House appropriations chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, mula sa ₱80.86 bilyon, ibinaba sa ₱45 bilyon ang pondo para sa dating Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP), na papalitan ng pangalan bilang Strengthening Assistance for Government Programs (SAGP) at ilalaan lamang sa mga foreign-assisted projects.
“Ang nangyari po ng mga nakaraan ay bumatak po galing sa SAGIP to fund infrastructure projects… Para sa 2026 at sa mga susunod na taon, wala na po yung ganoon,” ani Suansing, na binanggit na kabilang dito ang ilang flood control projects.
Tinanggal din ng subcommittee ang ₱6.7 bilyon para sa public health emergency allowances, alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM).
“The suggestion of the DBM is to remove it already… kasi nabayaran na po lahat as of 2025,” paliwanag ni Suansing.
Ang unprogrammed funds, na magagamit lamang kapag may sobrang kita o foreign grants, ay may kabuuang ₱250 bilyon sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Nauna nang iminungkahi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tuluyang alisin ang unprogrammed funds—isang panukalang sinuportahan ng mga oposisyonista sa Kamara.
Ngunit ayon sa Malacañang, maliit ang posibilidad na matuloy ito. Paliwanag ni Palace press officer Atty. Claire Castro, ginagamit ang unprogrammed funds para sa mahahalagang programa at mga sitwasyong pang-emerhensiya. RNT