MATAGUMPAY na isinagawa ng Occupational Safety and Health Center, isang ahensiya ng Department of Labor and Employment, ang dalawang araw na 19th National Occupational Safety and Health Congress nito lamang Oktubre 6–7, 2025 sa Yuichi Ichikawa Hall, OSHC, Sen. Miriam P. Defensor-Santiago Avenue, Quezon City.
May temang “Strengthening Inclusive OSH Transformation in the Future of Work” ang dinaluhan ng mahigit 500 kalahok kabilang ang mga OSH advocate, professional, DOLE official, at mga kinatawan ng manggagawa at employer.
Sa kanyang keynote message, pinahanga tayo ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa kaniyang balanseng aksiyon at pagtrato partikular sa nag-viral na isyu sa Cebu kamakailan kung saan puwersahang pinigilan ng BPO employer ang mga manggagawa nito na tuparin ang emergency preparedness protocol sa kasagsagan ng lindol.
Tinalakay naman sa plenary sessions ang mga makabagong kaalaman at istratehiya para makontrol ang patuloy at umuusbong na panganib sa workplaces ng private at public sector. Binigyang-diin din ang pagpapalakas ng implementasyon at mga polisiya sa OSH, mga hamon ng makabagong panahon, digital transformation lalo na sa pag-avail ng compensation benefits, pamamahala sa panganib, at mga patakarang magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa partikular sa hanay ng small and medium enterprise o SMEs.
Masuwerte tayo at nakasama ang inyong lingkod sa mga miyembro ng media para makapanayam si Sec. Laguesma. Nagustuhan niya ang ating katanungan at pagbanggit ng suhestiyon para sa maagang kamalayan sa OSH na maaaring simulan sa mga grade school student. Dagdag pa niya, mayroon nang ganitong programa sa high school pero patitingnan pa rin ang ating mungkahi lalo na kung kinakailangan, at may kaakibat na gabay mula sa mga nakatatanda.
Halos mahigit tatlong dekada nang isinasagawa sa bansa ang NOSH Congress na ginaganap tuwing dalawang taon. Sulit ang halagang P2,000 na registration fee kasi busog ka na sa impormasyon, busog ka pa sa pagkain at tiyak na maaaliw ka sa customized souvenirs (huwag lang maghanap ng kontrobersyal na ‘PAYONG’ hane? he-he-he).
Sa sipag at galing ng istratehiya ni OSHC Executive Director Engr. Jose Maria “Jomar” Batino katuwang ang opisyales at staff ng ahensya-hindi na natin pagtatakhan ang maganda at positibong evaluation feedback mula sa mga lumahok.
Kaya para kay Sec. Laguesma, Sir Jomar, DOLE at OSHC officials and staff, resource speakers at 19th NOSH Congress participants, MABUHAY!!!






