LEGAZPI CITY, Philippines – Arestado ang dalawang hinihinalang gunrunner matapos mahulihan ng mga hindi rehistradong piyesa ng baril, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Ayon kay PRO-5 Director Brig. Gen. Nestor Babagay Jr. nadakip ang mga suspek sa Sta. Elena, Camarines Norte noong Miyerkules na kinilala sa mga alyas “Sau” at “Nor”, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sinabi ni Babagay, ang pagkakaaresto sa dalawa ay patunay ng epektibong intelligence-driven operations ng pulisya.
“Sa pagpigil sa paggalaw ng mga hindi rehistradong armas, direktang nababawasan natin ang mga posibleng krimen bago pa ito mangyari,” ani Babagay.
Nasamsam mula sa mga suspek ang mga piyesa ng armas tulad ng upper receiver, lower receiver, at barrel ng M16A1 rifle, isang 9mm pistol na walang serial number, isang magasin na walang bala, at malaking bilang ng front sights para sa M16 rifles.
Sakay ng puting Mitsubishi Strada ang mga suspek at patungong Maguindanao mula Maynila nang sila ay maharang sa national highway ng Barangay Tabugon.
Ayon sa imbestigasyon, plano umano ng mga suspek na dumaan sa Sorsogon Port bilang bahagi ng kanilang ruta para sa bentahan ng armas. /Mary Anne Sapico