BAGO ang lahat pero luma na ang maganda kong kaibigang si VIOLETA Manzanilla GIRON na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw. Pangit man ang paraan ng pagbati ng inyong lingkod, batid kong masaya naman ang aking kaibigang kasama sa hirap at ginhawa. HAPPY BIRTHDAY SIS BABY GIRON.
****
MULING umalingawngaw sa Senado ang pangalan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co matapos mabunyag ang umano’y P10 bilyong pondo para sa overpriced farm-to-market roads — isa na namang madugong marka sa kaban ng bayan, ayon kay Sen. Win Gatchalian.
Kung totoo ang mga paratang ng Senate committee on finance, malinaw na ang dating kongresista ay hindi nag-araro ng daan para sa pag-unlad ng mga magsasaka, kundi nagbungkal ng yaman para sa pansariling interes.
Ang mga farm-to-market road ay dapat tulay ng kaunlaran para sa mga magsasaka. Sa pamamagitan nito, mas madali nilang naibebenta ang kanilang ani at nababawasan ang pagkasira ng mga produkto. Ngunit sa halip na maglingkod, tila ginawang “farm-to-wallet roads” ang mga proyekto — tuwid patungo sa bulsa ng ilang mapagsamantalang opisyal.
Nakababahala na tila hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Co sa ganitong uri ng isyu. Kung paulit-ulit na lamang na nabibisto ang mga anomalya sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno, kailangang tanungin: hanggang kailan magpapatuloy ang ganitong uri ng pandarambong? Habang lugmok sa kahirapan ang mga magsasaka, may mga politikong patuloy na nagkakamal ng kayamanan mula sa pawis at buwis ng taumbayan.
Sa ganitong kalaking halaga, hindi sapat ang mga imbestigasyon na nauuwi lamang sa press release. Dapat magkaroon ng malalim, patas, at mabilis na imbestigasyon — hindi lamang upang managot ang mga sangkot, kundi upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat ay tagapagtanggol ng katapatan sa serbisyo.
Ang P10 bilyong pondo ay maaaring nagpatayo ng daan, ngunit tila ang tinahak ng ilan ay daan patungo sa kasakiman. Kung tunay na may hustisya sa bansang ito, marapat lamang na managot ang lahat ng sangkot, gaano man kataas ang kanilang posisyon.
Ang kaban ng bayan ay hindi dapat ginagawang personal na pitaka. Sa bawat pisong ninanakaw sa pondo ng gobyerno, may isang Pilipinong gutom, isang magsasakang nawawalan ng pag-asa, at isang bansang unti-unting nilulubog sa utang at kahihiyan.
Arestuhin na ang mga mandarambong, magnanakaw at korap. Hulihin at ikulong ang mga buwaya at huwag naman iyong pinahihirapan lang ay ang mga butiki o maliliit.






