MANILA, Philippines – Tumaas sa pinakamataas na antas sa loob ng 12 buwan ang foreign direct investments (FDI) sa bansa noong Hulyo, matapos bumagal ang pag-urong ng mga pondo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Umabot sa $1.3 bilyon ang net inflow ng FDI, 7.5 porsiyento na mas mababa kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, ngunit mas maganda kaysa sa 17.8 porsiyentong pagbaba na naitala noong Hunyo.
Ito rin ang pinakamalakas na FDI inflow mula Hulyo noong nakaraang taon, nang pumalo ito sa $1.4 bilyon.
Ayon kay Security Bank chief economist Angelo Taningco, ang bahagyang pagbaba ay dahil sa mataas na base ng inflows noong nakaraang taon, ngunit nanatili umano ang mga hamon sa ekonomiya.
“I expect FDI inflows to be tempered by increased external uncertainty from higher US tariffs as well as domestic governance issues surrounding government flood control projects,” ani Taningco.
Dagdag pa niya, maaaring humina ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at negosyo sa mga susunod na buwan.
Mula Enero hanggang Hulyo, umabot na sa $4.7 bilyon ang kabuuang FDI, halos 20 porsiyentong mas mababa kaysa sa parehong panahon noong 2024, ngunit higit kalahati na ng target ng BSP na $7.5 bilyon para sa buong taon.
Hindi tulad ng short-term foreign portfolio investments na madaling umatras, ang FDI ay mas matagalang puhunan na nakalilikha ng trabaho at nagpapatatag sa ekonomiya.
Batay sa datos ng BSP, nakapagtala rin ang bansa ng net equity inflow noong Hulyo, dahil mas marami ang bagong kapital na pumasok kaysa sa pondong lumabas. RNT/JGC