MANILA, Philippines – Ligtas na nagsilang ng malusog na sanggol ang isang buntis sa Evacuation Area ng DOH-Davao Regional medical Center (DOH-DRMC) sa gitna ng pagyanig ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental.
Isa ang ginang sa 663 pasyenteng pansamantalang inilikas bilang bahagi ng precautionary measures ng DOH-DRMC.
Matapos ang isinagawang structural integrity assessment para masiguro ang katatagan ng gusali ng DOH-DRMC, nakabalik na rin ang lahat.
Ayon sa DOH, pansamantalang inilipat kahapon sa mga temporary tents sa triage at evacuation areas ang mga pasyente DOH-Davao Regional Medical Center (DOH-DRMC), DOH-Davao Occidental General Hospital (DOH-DOGH), at DOH-Southern Philippines Medical Center (DOH-SPMC), bilang bahagi ng standard safety protocols habang isinasagawa ang Structural Integrity Assessment ng mga gusali.
Ilang estudyante ang itinakbo sa DOH-DRMC at isang pasyente ang ligtas na nanganak sa evacuation area ng ospital pagkatapos ng unang pagyanig.
Sa kabila ng pagiging pinakamalapit na ospital sa epicenter ng lindol, ligtas naman ang ang mahigit anim na raang pasyente ng nasabing ospital.
Samantala, sa DOH-DOGH naman, mabilis ding nailikas ang mga pasyente papunta sa triage at isolation areas.
Nagtayo rin ng mga tents at ginamit ang outpatient department bilang pansamantalang ward kung saan ilang volunteers ang agad na tumulong para sa maayos at ligtas na paglikas. Habang agad na inihanda ang mga generator sets sa DOH-SPMC.
Ngayong araw ay magpapatuloy ang Rapid Assessment ng Department of Health sa buong rehiyon at patuloy na nakaantabay ang mga DOH Hospital, katuwang ang mga healthcare workers at health emergency teams sa pagtugon sa anumang karagdagang medical emergencies. Jocelyn Tabangcura-Domenden