Home NATIONWIDE Lacson sa unprogrammed appropriations, tatanggalin sa Senado: ‘Ugat ng corruption’

Lacson sa unprogrammed appropriations, tatanggalin sa Senado: ‘Ugat ng corruption’

300
0

MANILA, Philippines – Lalong lumakas ang panawagan sa Senado na alisin ang unprogrammed appropriations sa 2026 budget matapos magpahayag ng todong pagsuporta si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson kay Senate President Vicente Sotto III at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian sa nasabing panukala.

Tiniyak ni Lacson nitong Sabado, Oktubre 11 na sasamahan niya ang posisyon ng Senado sakaling pagtalunan ito ng Senado at Kamara sa bicameral conference committee.

“Ang usapan namin wala nang unprogrammed appropriations sa 2026 budget. Ang papayagan na lang ang foreign-assisted kasi kailangan talaga yan. Pero ang iba alisin na natin,” aniya sa panayam.

Binanggit ni Lacson, na kilala bilang mahigpit na tagabantay ng kaban ng bayan, ang mga ulat nitong Biyernes kung saan tinanggihan ng Kamara ang panukalang bawasan ang P250-bilyong unprogrammed appropriations.

Sa mga ulat, sinabi ni House appropriations chairperson Mikaela Suansing na hindi umano kayang alisin ng pamahalaan ang pondo para sa mga foreign-assisted projects.

Kung mananatiling magkaiba ang posisyon ng Senado at Kamara, sinabi ni Lacson na kakampi ng Senado ang taumbayan na galit sa katiwaliang lumitaw sa mga maanomalyang proyekto sa flood control at imprastraktura.

Nauna nang kinumpirma ni Lacson at ng kanyang staff na may mga flood control project na ginamitan ng unprogrammed funds sa badyet.

“So diyan kami magkakasubukan sa bicam. Kung ako maging member ng bicam at magkasama-sama kami ni Sen. Gatchalian, palagay ko malakas ang aming boses doon kasi kasama sa boses namin ang boses ng mga galit,” ani Lacson.

Samantala, muling nanawagan si Lacson sa mga mambabatas na magpakita ng self-restraint o pagpipigil sa paglalagay ng mga individual amendments sa panukalang badyet, at sa halip ay magtuon sa mga institutional amendments na bunga ng konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here