HINDI madalas makatagpo ng isang pinunong may puso sa serbisyo, matalas ang pananaw, may dedikasyon, at tapat sa tungkulin, ngunit sa katauhan ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer (CEO) Marilene Acosta, malinaw nating nakikita ang isang lider na may ganitong katangian.
Kaya naman, labis ang kagalakan at paghanga ng inyong Agarang Serbisyo Lady sa pagkakatalaga sa kanya bilang nominee para sa natatanging Leadership Award ng Governance Commission for GOCCs, isang parangal na kumikilala sa natatanging pamumuno sa hanay ng mga ahensyang pag-aari at pinamamahalaan ng pamahalaan. Ang nominasyong ito ay hindi lamang isang personal na tagumpay ni CEO Acosta, kundi isang patunay ng tagumpay ng buong Pag-IBIG Fund sa ilalim ng kanyang pangunguna. Sa kanyang pamumuno, higit pang tumibay ang adhikain ng ahensya na magbigay ng abot-kayang pabahay, matatag na impok, at maaasahang serbisyo sa bawat manggagawang Filipino lalo na sa panahon ng ibayong pangangailangan, tugma sa layunin ng Marcos administration na itaguyod ang isang “Bagong Pilipinas” na may mas maayos, marangal, at masaganang buhay para sa lahat ng Filipino.
Bilang isang kabaro, labis kong pinahahalagahan ang klase ng lideratong ipinamalas ni CEO Acosta. Hindi siya lamang isang administrador; isa siyang inspirasyon. Ang kanyang “visionary leadership” ay nagbunsod ng mga repormang nagpatatag sa operasyon ng Pag-IBIG Fund, na ngayo’y kinikilala hindi lamang sa bansa kundi maging sa rehiyon bilang isang ehemplo ng mahusay na pamamahala sa sektor ng serbisyo publiko.
Sa panahon kung kailan maraming institusyon ang sinusubok ng kawalan ng tiwala ng taumbayan, ipinakita ni CEO Acosta na ang integridad at malasakit ay nananatiling pinakamahalagang puhunan ng isang lider. Ang kanyang malasakit sa mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ay hindi natatapos sa mga bilang o ulat, ito ay nararamdaman sa mga pamilyang nagkaroon ng sariling tahanan, sa mga manggagawang nakapag-ipon para sa kinabukasan, at sa bawat Filipino na nakikinabang sa mga programang kanyang pinangungunahan.
Ang Leadership Award ng GCG ay inilunsad upang kilalanin ang mga natatanging opisyal na nasa GOCC’s na may pambihirang pamumuno at kontribusyon sa pagpapabuti ng kanilang institusyon at ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran. At kung may sinumang nararapat maging huwaran ng ganitong uri ng pamumuno, walang kaduda-duda na kabilang dito si CEO Acosta.
Sa aking paniniwala, ang tunay na lider ay hindi lamang sinusukat sa posisyon, kundi sa positibong epekto na kanyang iniiwan sa buhay ng iba. At sa bawat ngiti ng isang pamilyang nakalipat sa sariling bahay na kanilang pangarap, sa bawat manggagawang nakapagsimula ng ipon, at sa bawat Filipino na muling nagtiwala sa serbisyo-publiko, naroroon ang bakas ni Manang Marilene Acosta, isang lider na tunay na lingkod ng bayan.
Mula sa aking puso, isang taus-pusong pagbati sa iyo, CEO Acosta. Nawa’y magsilbi kang patuloy na inspirasyon sa lahat ng kababaihan at lingkod-bayan na nagnanais maglingkod ng tapat at dedikasyon, may malasakit, at may tunay na pagmamahal sa kapwa Filipino.
Lubos ang aking paniniwala na si CEO Marilene C. Acosta ay isang huwarang lider ng Bagong Pilipinas, at karapat-dapat sa parangal.






