MANILA, Philippines – Nagsampa ng kasong perjury si Marikina City 1st District Rep. Marcelino Teodoro laban sa dalawang babaeng pulis na unang nag-akusa sa kanya ng acts of lasciviousness at sexual assault.
Isinampa ni Teodoro ang reklamo sa Manila Prosecutor’s Office nitong Lunes, at iginiit na walang basehan at may halong pulitika ang mga kasong inihain laban sa kanya noong nakaraang buwan.
“Matatag ang loob kong makakamit ko ang hustisya at mababasura ang mga imbentong reklamong ito. Pero kailangan managot ang mga nagsisinungaling,” pahayag ni Teodoro. Dagdag pa niya, hindi dapat gamitin ang sistema ng hustisya bilang sandata sa maruming pulitika.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Alma Mallonga, ang mga paratang ay “klarong gawa-gawa” dahil “inamin mismo ng mga nagreklamo na walang puwersa o pananakot” na ginamit laban sa kanila.
“Hindi sila tinakot o sinaktan. Walang armas si Cong. Marcy,” ani Mallonga. “Nakakabigla at hindi kapanipaniwala ang akusasyon ng rape sa ganitong sitwasyon.”
Sinabi rin ng abogada na may mga testigong nagpapatunay na hindi kailanman nag-iisa si Teodoro kasama ang mga nagreklamo, at nagpatuloy pa rin silang pumasok sa trabaho matapos umano ang insidente.
Sa ilalim ng Republic Act 11594, ang perjury ay may parusang hanggang 12 taon na pagkakakulong at multang hanggang ₱1 milyon, bukod sa habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Samantala, inilipat na sa Camp Crame ang dalawang nagrereklamong pulis para sa kanilang kaligtasan, ayon sa Marikina City Police Office. RNT