MANILA, Philippines – Kaugnay sa inilabas na memorandum ng Department of Education (DepEd), pinangunahan ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga eskwelahan sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante sakaling makaranas ng malakas na lindol.
Tinungo ni Calixto-Rubiano, kasama sina City Engineer Officer-in-Charge Johari Rangiris at DepEd School Division Superintendent Dr. Joel Torrecampo, ang Timoteo Paez Elementary School (TPES) noong Martes ng umaga upang siyasatin ang kasiguruhan ng istruktura ng naturang eskwelahan.









