MANILA, Philippines – Umabot na sa 1,281 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos ang magnitude 7.4 at 6.8 na lindol sa Manay, Davao Oriental noong Oktubre 10.
Ayon sa PHIVOLCS, 15 sa mga aftershock ang naramdaman, na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 5.8.
Paalala ni PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol, dapat kumonsulta muna sa mga engineer bago bumalik sa mga bahay na may pinsala, dahil maaaring gumuho ito sa mga susunod na pagyanig.
Batay sa ulat ng NDRRMC, walo ang nasawi at 2,575 bahay ang napinsala, kabilang ang 344 na tuluyang gumuho.
Samantala, sa Cebu, umabot na sa 12,079 aftershocks ang naitala matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City noong Setyembre 30, kung saan 46 ang naramdaman at may lakas mula magnitude 1.0 hanggang 5.8.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), 75 katao ang nasawi at 94,844 bahay ang napinsala, kabilang ang 5,620 na tuluyang nawasak. Santi Celario