Home NATIONWIDE DFA: Pinas, naghain ng 47 diplomatic protest vs China sa 2025

DFA: Pinas, naghain ng 47 diplomatic protest vs China sa 2025

316
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 47 ang bilang ng diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China ngayong 2025, at kabuuang 245 mula 2022, kaugnay ng patuloy na agresyon ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).

Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng DFA, sinabi ni Secretary Ma. Theresa Lazaro na ang pinakabagong protesta ay may kaugnayan sa insidente sa Bajo de Masinloc kung saan umano sinadyang ramahin ng Chinese Coast Guard ang BRP Datu Pagbuaya na nagbibigay-proteksyon sa mga Pilipinong mangingisda.

“The latest diplomatic protest is what just happened recently in Bajo de Masinloc,” ani Lazaro, na kalaunan ay nilinaw na ang insidente ay naganap sa paligid ng Pag-asa Island at isinasapinal pa ang pagsasampa ng reklamo.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard, “deliberately rammed” ng barko ng China ang hulihan ng BRP Datu Pagbuaya, na nagdulot ng bahagyang pinsala ngunit walang nasugatan.

Tinanong ni Senadora Imee Marcos kung may iba pang hakbang na maaaring gawin bukod sa diplomatic protests. Sagot ni Lazaro, may mga bilateral consultation at patuloy na koordinasyon sa mga ahensiyang pangseguridad.

Ipinunto ni Marcos na maaaring magdulot ng pangamba sa mga kapitbahay sa ASEAN ang pagiging malapit ng Pilipinas sa Estados Unidos. Tiniyak ni Lazaro na patuloy ang koordinasyon sa mga bansang kasapi ng ASEAN at sinabing, “As the chair of ASEAN next year, we will be a good chair.”

Iginiit din ng DFA na target na matapos sa 2026 ang Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea at dapat itong maging legally binding sa lahat ng kasaping bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here