Home TOP STORIES Plano ng DepEd sa pagtuturo ng WPS sa iskul, pinuri

Plano ng DepEd sa pagtuturo ng WPS sa iskul, pinuri

275
0

PINURI ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ang aralin tungkol sa West Philippine Sea (WPS).

“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam. Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS), hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan,” ani Goitia.

Binanggit niya ang mga insidente ng agresibong kilos ng China sa Pag-asa (Thitu) Island at Second Thomas Shoal, kabilang ang paggamit ng water cannon at pananakit sa mga Pilipinong sundalo, na kinondena ng iba’t ibang bansa bilang paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Para kay Goitia, mahalaga ang silid-aralan bilang linya ng depensa ng bansa laban sa maling impormasyon.

“Nagpapakalat ang China ng mga kasinungalingan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pag-angkin sa ating karagatan. Dapat itong tapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katotohanan,” paliwanag niya.

Idinagdag niya na ang pagtuturo sa mga estudyante tungkol sa 2016 Arbitral Ruling at sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) ay magbibigay ng tamang kaalaman at malasakit sa pag-aari ng sambayanang Pilipino.

“Ang soberanya ay hindi lang salita. Ito ay kabuhayan ng ating mga mangingisda, likas na yaman ng bansa, at dangal ng bawat Pilipino,” ani Goitia.

Binigyang-diin din niya ang suporta sa mga guro sa pamamagitan ng tamang kagamitan at pagsasanay, pati na rin ang paggamit ng debate, sanaysay, at malikhaing proyekto upang maging mas kawili-wili ang pagtuturo.

“Hindi sapat na makita ng mga bata ang West Philippine Sea (WPS) sa mapa. Dapat nila itong maramdaman sa mga kuwento at awitin, sapagkat doon umuusbong ang tunay na diwa ng pagiging makabayan,” dagdag niya.

Ayon kay Goitia, ang hakbang ng DepEd ay kaakibat ng pagsisikap ng pamahalaan na paigtingin ang depensa sa karagatan.

“Habang binabantayan ng ating Coast Guard ang karagatan, ang ating mga guro naman ang magbabantay sa katotohanan. Pareho silang tagapagtanggol ng Republika,” ani Goitia.

Sa huli, pinahayag niya ang kahalagahan ng paghubog ng kabataan sa pagkaalam at pagmamahal sa WPS:

“Dapat lumaki ang ating mga anak na alam na ang West Philippine Sea (WPS) ay hindi lang karagatan sa mapa. Ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here