SA paglantad ni dating House Speaker Martin Romualdez sa harap ng Independent Commission for Infrastructure, buong tapang niyang idineklara na wala siyang ninakaw sa kaban ng bayan at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Ani Romualdez, isisiwalat niya ang lahat ng kanyang nalalaman kaugnay sa maanomalyang flood control project na umano’y bilyon-bilyong piso ang nilustay ng mga kawatan.
Ngunit sa kanyang mga pahayag, tila ba may kabalintunaan. Ayon sa kanya, may ghost projects at may nawawalang pondo — pero wala raw siyang kinalaman. Kung gayon, sino ang tunay na nakinabang? Paano naglaho ang bilyon-bilyong piso kung walang sangkot? Hindi ba’t mas lalong nagiging palaisipan ito sa taumbayan?
Kung tutuusin, hindi na bago sa atin ang ganitong mga eksena. Kapag may imbestigasyon, tila lagi itong nagtatapos sa mga “wala raw kasalanan.” Mga opisyal na pare-parehong nagmamalinis at nagtuturuan, habang ang mga dokumento at ebidensya ay unti-unting nalulunod sa pulitika.
May aasahan pa ba tayo kung mismong mga iniimbestigahan ang nagsisilbing tagapagsalita ng katotohanan? Sa halip na linawin, lalong lumalabo ang mga usapin. Paulit-ulit na lang ang siklo — imbestigasyon, pagtanggi, at pagkatapos ay katahimikan.
Mahirap nang umasa pa sa sistemang tila lumalaban sa sariling prinsipyo ng hustisya. Ang mga mamamayan ay tila pagod na sa paulit-ulit na pangakong “aalamin ang totoo,” pero sa huli, wala namang naparurusahan.
Kaya marahil tama lang na sa dulo, ang taumbayan mismo ang magpasya — sa pamamagitan ng kanilang konsensya, tinig, at boto. Ang tanong na lang: kailan tayo gigising at tuluyang mananagot ang mga may sala? Ating aabangan.