MANILA, Philippines – Pansamantalang isinara sa lahat ng sasakyan ang kalsada ng Bukidnon-Davao City matapos gumuho ang isang bahagi nitong Sabado ng gabi, Oktubre 18.
Sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpakilos na sila ng mga team para i-assess at imbestigahan ang nasirang bahagi ng kalsada sa Palacapao, Quezon.
Magbibigay ito ng rekomendasyon batay sa mga resulta ng imbestigasyon.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta:
Mula Cagayan de Oro City hanggang Tagum City: Junction Sayre Highway Poblacion Valencia City, Bukidnon via Kapalong – Talaingod – Valencia Road Mula Camp 1 Maramag, Bukidnon hanggang Davao City: Via Jct. Bukidnon – Davao City Road to Cotabato Boundary – Carmen-Kabacan-Matalam-Kidapawan, Cotabato-Digos City, Davao.
Ito ay matapos tumama ang magnitude 5.5 na lindol sa Surigao del Sur noong Sabado ng gabi at naramdaman sa Intensity I at II sa Bukidnon.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang lindol ay aftershock ng Oktubre 11 magnitude 6 na pagyanig. Jocelyn Tabangcura-Domenden