BILANG isang media practitioner at health advocate, lubha akong natutuwa sa balita na ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ay patuloy na nagpapalawak ng kanilang libreng gamot sa ilalim ng “Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment” o GAMOT program.
Simula noong inilunsad ito noong Agosto 14, 2025, ang programang ito ay nagsilbing liwanag para sa maraming Filipino na kadalasang nahihirapan sa gastusin sa gamot.
Mula sa 21 na gamot, ngayon ay 75 na ang nasasakupan, na may taunang limit na Php 20,000. Isang malaking hakbang ito upang mapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa bawat pamilyang Filipino.
Ang GAMOT program ay sumasaklaw sa mga pangkaraniwang karamdaman, mula sa impeksyon, hika, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), diabetes, altapresyon, mataas na kolesterol, at sakit sa puso, hanggang sa mga karamdaman sa nerbiyos at iba pang supportive therapies.
Ngunit ang tunay na kapana-panabik na balita ay ang patuloy na plano ng PHILHEALTH na palawakin pa ito. Ayon kay President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado, nakabinbin ang pagsusuri ng Health Technology Assessment Council (HTAC) upang maidagdag ang higit pang gamot mula sa mahigit 300 gamot sa essential drug list ng Department of Health.
Ipinapakita nito ang pangako ng PHILHEALTH na sa kalaunan ay masaklaw ang buong essential drug list, at sa huli, makikinabang ang bawat miyembro nang walang iniindang gastusin.
Isa pang mahalagang aspekto ng programang ito ay ang accessibility. Sa kasalukuyan, may 304 accredited pharmacies na handang ipatupad ang GAMOT program, kabilang ang 56 sa Metro Manila. Hindi rin komplikado ang proseso para makakuha ng gamot. Kailangan lamang ng miyembro na nakarehistro sa Yaman ng Kalusugan Program (Yakap) ng PHILHEALTH, magkaroon ng reseta mula sa PHILHEALTH-certified physician, at magprisinta ng valid government ID. Sa ganitong paraan, ang bawat benepisyaryo ay tiyak na maaasahan ang agarang gamutan nang hindi iniisip ang dagdag na gastos.
Bilang isang “Agarang Serbisyo Lady” sa kalusugan, naniniwala ako na ang GAMOT program ay hindi lamang patunay ng epektibong administrasyon ng PHILHEALTH, kundi isang konkretong hakbang tungo sa mas inklusibong serbisyong pangkalusugan. Sa panahon kung saan parami nang parami ang nangangailangan ng gamot ngunit limitado ang kanilang kakayahan, ang programang ito ay nagbibigay-raan upang ang bawat Filipino ay makaramdam ng seguridad at katiyakan na ang kalusugan ay hindi luho kundi isang karapatan.
Ang susi sa tagumpay ng GAMOT program ay ang tuloy-tuloy na suporta at tamang pagpapatupad sa mga piling klinika at botika.
Hindi rin maikakaila ang pangangailangan ng edukasyon sa publiko upang mas marami ang makagamit ng benepisyo. Sa aking pananaw, ang patuloy na pagpapalawak ng listahan ng gamot at pagtaas ng accessibility ay magdudulot ng positibong epekto hindi lamang sa kalusugan ng bawat Filipino kundi pati sa kabuuang sistema ng ating serbisyong pangkalusugan.
Sa huli, ang GAMOT program ay isang malinaw na halimbawa kung paano dapat mangyari ang serbisyong pangkalusugan, dapat itong agaran, accessible, at tunay na para sa lahat.
Dito, hindi lamang gamot ang ibinibigay, kundi pag-asa, katiyakan, at kapayapaan ng isip para sa bawat pamilyang Filipino, malaking kaginhawaan sa mga limitado ang badyet na nakalaan para sa kanilang kalusugan.






