NANG mag-anunsiyo ang Department of Education ng dalawang araw na suspensyon ng face-to-face classes sa Metro Manila nitong Oktubre 13 at 14, idinahilan nito ang “alarming rise in influenza-like illnesses” at ang pangangailangang ma-disinfect ang mga silid-aralan kasabay na rin ang pag-iinspeksiyon sa structural integrity ng mga eskwelahan. Ang paliwanag, bagamat kumbinyente, ay hindi umaakma.
Makalipas ang ilang araw, kinontra ng Department of Health ang dahilan na ito, iginiit na wala namang influenza outbreak. Iniulat pa ni Health Secretary Ted Herbosa na bumaba pa nga ang mga naiulat na kaso ng ILI (influenza-like illness) mula noong nakaraang taon at dumausdos ng halos 40 porsyento sa unang bahagi ng Oktubre kumpara sa sinusundang dalawang linggo. Klinaro rin ng DOH na walang pinaplanong lockdown at wala ring dahilan upang maalarma ang publiko. Kung hindi pala totoo ang banta sa kalusugan, ano kung ganoon ang tinutugunan ng gobyerno?
Ito ang suspetsa ng marami: na ang dalawang araw na suspensyon ng klase ay walang kaugnayan sa trangkaso kundi tungkol sa takot — takot na ang mga luma at posibleng substandard na school buildings ng bansa ay hindi makayanan ang mga lindol na sunud-sunod na nagpapayanig sa bansa sa nakalipas na mga linggo. Mula sa Ilocos hanggang Zambales, Cebu hanggang Davao Oriental, gumagalaw ang mga fault line at nakababahala ang magkakasunod at karamihan ay malalakas na lindol. At sa isang bansa na matagal ng problemado sa korapsyon sa mga pagawaing pampubliko, ang anomang pag-amin ng kahinaan ay maaaring pagmulan ng bitak sa ugnayang pulitikal na mas malawak pa sa maaaring sapitin sa pisikal na kapaligiran.
Sa nakalipas na mga dekada, hindi nawawala ang mga akusasyon na tinitipid ng Department of Public Works and Highways ang mga proyektong imprastruktura nito para may makubrang kickback ang mga kinauukulan, kaya naman hindi magagarantiyahan ang kaligtasan ng mga itinatayo nilang istruktura. Sakaling tumama bukas ang “The Big One,” ang pagguho ng isang paaralan, na tinipid ang pagpapagawa, ay maaaring magbunsod ng malawakang galit ng publiko — isang trahedya na hindi lamang maglalantad sa mga bitak sa pader kundi maging sa sira-sirang sistema.
Para maging patas, tama naman ang panawagan ng DepEd para sa pag-iinspeksiyon. Ang kwestiyonable ay ang cover story sa suspensyon ng klase. Kung kalusugan talaga ang totoong dahilan, hindi sasapat ang dalawang araw upang mapigilan ang hawahan ng sakit. Kung paiiralin ang common sense, hindi bababa sa isa hanggang dalawang linggo ang kakailanganin na online learning. Sa halip, itinago pa ng gobyerno ang lehitimong safety check sa isang pag-iwas kuno sa outbreak, na hindi naman talaga umiiral.
Ang kailangan talaga ay ang harapin ng gobyerno ang katotohanan: ang The Big One ay hindi kung mangyayari nga ito, kundi kung kailan ito mangyayari. Ang tamang paraan ay ang ideklara ang panganib, aminin ang pangangailangang alamin ang kakayahan ng mga istruktura, at isapubliko ang mga natuklasan sa pagsusuri sa bawat school building — upang alam ng mga magulang at mga guro ang panganib na kanilang kinakaharap; upang maliwanag ang mga emergency measures na kailangang isagawa at kabisado ito ng mga estudyante, guro, at first responders; at upang agarang maisaayos at gawing matibay ang mahihinang istruktura. At kung ang isang gusali ay hindi na talaga ligtas, wala dapat bata ang hayaang pumasok at mag-aral doon. ‘Yan ang tunay na paraan ng pagtugon sa takot at panganib — hindi sa mga palusot, kundi sa aksyon, transparency, at katotohanan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






