HILONG-TALILONG ang aabutin ng Independent Commission on Infrastructure kung magpapatuloy ang kung ano-anong taktika para makaiwas sa isinasagawa nitong imbestigasyon.
Bukod pa riyan ang kakulangan nito sa kapangyarihan upang mapilit ang mga sangkot na humarap sa imbestigasyon patungkol sa malawakang pandarambong sa pagpapatupad ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways.
Huwag kalimutan na bukod sa maanomalyang Flood Control Projects ay mayroon din lumalabas na iba pang proyekto na dinambong din ng mga lukutoy tulad na lamang ng Farm-to-Market Road Projects ng Department of Agriculture.
Mayroon din naamoy sa bakuran ng Department of Health na hindi pa nabibigyan ng sapat na atensyon ng ICI dahil sa sangkaterbang imbestigasyon ang nakabinbin sa kanilang tanggapan na hindi matukoy ng publiko ang nangyayari.
Nabahiran pa ng duda ang hepe ng DPWH dahil sa isa nitong bitbit na opisyal na ininguso ng Kongresista nang ipunto nito na gumagawa na umano ito ng kabalbalan kasabwat ang mga kontratista sa pagbuo raw ng bagong ‘formula’ sa proyekto.
Hanggang sa mga araw na ito ay mga matatamis na pangako pa lang ang nagagawa ng gobyerno. Tiyak daw na mayroon mananagot sa pandarambong na ito. Kani-kaniyang bidahan kung saan naka-puntos agad ang Bureau of Customs sa luxury cars kahit parang hinog sa pilit ang ginawa nito.
Masdan ninyo, taumbayan! Kumikilos ang ICI, maingay din ang bagong pamunuan ng DPWH bagaman nagkaroon ng mantsa kamakailan, mayroon din mga pahayag ang bagong hepe ng Office of the Ombudsman at mayroon din inilalabas na mga bagong isyu pa ng pandarambong.
Sa mga kaganapan na ito ay hindi malayo na sa mga susunod na bukas ay mawawala na ang atensyon ng publiko sa maanomalyang flood control projects dahil sa mabagal na usad ng imbestigasyon at dumaraming isyu pa ng ating bansa.
Tila pinalalamig ang mainit na isyu ng pandarambong nang sa gayon ay malimutan na o kaya naman ay humupa ang galit ng publiko para masimulan na ang pagkilos nang pailalim ng mga sangkot sa pandarambong.
Magiging madali na para sa mga sangkot na ilihis ang atensyon sa naganap na malawakang pandarambong sa kaban ng bayan kapag malamig na ang publiko kung saan pwede nang patulugin ang isyu na iyan sa loob ng ‘pridyider’ ni… Hmppp!






