Bulacan – Sugatan ang 79 anyos na dating konsehal matapos barilin ng riding-in tandem sa bayan ng Santa Maria nitong Oktubre 21.
Sa report ng pulisya, kinilala ang biktimang senior citizen na si Rogelio Barcial, may-asawa, residente ng Brgy. Mag-asawang Sapa.
Ayon sa report, naganap ang insidente ng pamamaril bandang 5:30 ng hapon sa kahabaan ng Brgy. Casio.
Nabatid na pauwi na ang biktima lulan ng kanyang sasakyan nang dikitan ng dalawang indibidwal lulan ng motorsiklo.
Bigla umanong bumunot ng baril ang backrider at walang kaabog-abog na binaril ang biktima at agad na tumakas sa lugar.
Sa lakas ng loob, nagawa pang imaniobra ng biktimang may sugat sa kanang balikat ang kanyang sasakyan at humarurot patungo sa malapit na ospital para sa paunang lunas.
Sinasabing inilipat kalaunan ng rescue team ang biktima sa Rogaciano Mercado Hospital para sa patuloy na gamutan.
Dahil dito, agad rumesponde sa lugar ang mga pulis at nagsagawa ng masusing imbestigasyon para sa ikadarakip ng tandem. Dick Mirasol III