Home TOP STORIES Regularisasyon ng matagal nang JO, kontraktwal sa gobyerno, isinusulong ni Villar

Regularisasyon ng matagal nang JO, kontraktwal sa gobyerno, isinusulong ni Villar

257
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senadora Camille Villar, ang pinakabatang mambabatas sa ika-20 Kongreso, sa pamahalaan na punan ang libo-libong bakanteng posisyon at i-regular ang mga job order (JO) at contractual workers na matagal nang nagsisilbi sa gobyerno upang gawing mas mahusay, episyente, at makatao ang serbisyo publiko.

Sa gitna ng pagdinig sa panukalang pambansang badyet para sa 2026, ibinunyag ng Civil Service Commission (CSC) na may mahigit 83,000 first-level positions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang nananatiling bakante at na hindi pa nasusuri sa loob ng 15 taon ang mga qualification standards para sa maraming posisyon.

> “Bawat bakanteng posisyon ay nangangahulugan ng mabagal na serbisyo, mas mabigat na trabaho para sa iba, at nasasayang na pondo ng taumbayan,” ani Villar. “Ang pinakamabisang paraan para maging epektibo ang gobyerno ay ang bigyan ng kapangyarihan at seguridad ang mismong mga taong nagpapatakbo nito — ang ating mga job order at contractual workers na matagal nang naglilingkod sa publiko.”

Upang matugunan ito, inihain ni Villar ang panukalang “Regularization of Work Engagement in Government Service Act,” na naglalayong magkaloob ng permanenteng appointment at civil service eligibility sa mga kwalipikadong indibidwal na may casual, contractual, contract-of-service, job order, o katulad na status sa gobyerno.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga nakapagsilbi ng hindi bababa sa limang (5) taon nang tuloy-tuloy sa mga nasyonal na ahensya ng gobyerno, GOCCs, at SUCs, o sampung (10) taon sa local government units (LGUs) ay maaaring italaga sa permanenteng plantilla positions sa kani-kanilang tanggapan. Inaatasan din ng panukala ang mga ahensya na humiling ng staffing modification mula sa Department of Budget and Management (DBM) upang maisakatuparan ang proseso ng regularisasyon.

Ang panukala ni Villar ay umaayon din sa isinusulong ng CSC Chairperson Marilyn Yap na modernisasyon ng qualification standards at pay scales, upang mas umangkop sa kasalukuyang kakayahan at responsibilidad ng mga kawani. Iginiit ng senadora na dapat sabayan ng reporma sa sistema ang pagbibigay ng seguridad at benepisyo sa mga manggagawang matagal nang bahagi ng serbisyo publiko ngunit nananatiling hindi regular.

Ayon kay Villar, sa pamamagitan ng pagko-convert ng mga long-serving contractual at job order workers bilang permanent employees, mas makakatipid ang gobyerno, mababawasan ang kawalan ng sistema, at mapapalakas ang pananagutan — mga pangunahing hakbang upang tugunan ang underspending at mabagal na pagpapatupad ng mga proyekto.

> “Sa pagpuno sa mga bakanteng posisyon at pagkilala sa mga matagal nang naglilingkod, hindi lamang natin pinabubuti ang serbisyo, kundi ibinabalik din natin ang dignidad sa paglilingkod-bayan,” ani Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here