NAGSIMULA na ang mga taktika upang malihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng malawakang pandarambong na uukit sa kasaysayan ng gobyerno ng Pinas.
Una ay ang 2025 National Budget na tinaguriang pinaka-korap na badyet mula nang maitatag ang Republika ng Pilipinas na sinundan naman ng bilyon-bilyong halaga ng flood control projects na dinambong ng mga demonyong mandarambong ng ating lipunan.
Matagal-tagal na rin na pinag-uusapan ang isyu na ito na naging resulta sa pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure na nagmistulang parang kendi at lobo na ibinigay sa publiko upang pakalmahin ang kanilang nag-aapoy na damdamin.
Aba’y umeksena naman ang mga bugok para gibain ang pokus ng publiko sa nagliliyab na isyu makaraan magsagawa sila ng mga bagay para malipat ang kanilang atensyon habang wala pang nangyayaring magandang resulta sa imbestigasyon ng ICI.
Ika nga e… ‘isa-isa lang’ para maibigay ng publiko at ICI kabilang na ang iba pang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Office of the Ombudsman ang sapat na atensyon sa iskandalong kinasangkutan ng mga mandarambong na kontratista at politiko.
Hindi naman sa nais kalimutan ang paratang na anomalya laban sa iba pang opisyal ng gobyerno pero huwag na muna [sana] isabay para ang pokus lang ng gobyerno ay sa dinambong na pondo ng bayan sa pagpapatupad ng flood control projects.
Kung pagbabasehan ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulo ay dapat alam ng mga opisyal nito na prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang naturang isyu na mabigyan ng agarang katarungan ang kaban ng bayan.
Kailangan ng publiko ang nasabing katarungan bago sumapit ang susunod na SONA ng Pangulo dahil tiyak na hahanapan ito ng matibay at makatotohanan na resulta upang hindi masabi na nagkaroon ng hokus pokus.
Huwag naman sana pansinin ng publiko sa ngayon ang mga bugok na panira sa eksena ng isinasagawang aksyon upang maisako na sa lalong madaling panahon ang mga dumambong sa pondo na may kaugnayan sa mga tinarantadong proyekto.
Kapag nagtagumpay ang mga bugok na maalis ang pokus ng publiko, maduling, mahilo hanggang sa makatulog ang mga ito ay pihadong sa kanilang paggising ay nagkaroon na ng hokus pokus. Ang mga salarin ay naging star witness o saksi habang humihimas ng rehas na bakal ang mga nagbunyag.






